396 total views
Kapanalig, manhid masyado ang nasa poder ng ating bayan. Tila hindi nila nararamdaman ang hirap na dinadala ng ating mga mamamayan. Ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin sabay ng malawakang kawalan ng trabaho ay damang-dama ng nakakararami sa atin. Pero bakit iba pa rin ang prayoridad ng pamahalaan?
Ngayong Enero 2021, umabot ang inflation rate ng bansa ng 4.2%, isang lundag mula sa 3.5% noong Disyembre 2020, at mula sa 2.9% nuong Enero 2020. Ang pagtaas ng inflation rate kapanalig, ay nangangahulugang mas malaki ang ibabayad mo para sa mga goods and services. Pagkatapos ng pasko, kapanalig, sinalubong nga tayo nito.
Nauunawaan naman ng marami ang ilang dahilan kung bakit nagtaasan ang mga presyo ng mga bilihin. Gaya sa baboy, malaki ang naging epekto ng ASF. Para sa maraming produkto gaya ng mga gulay, naka-apekto sa presyo ang mas mataas na gastos para sa transport. Hindi rin natin maitatatwa na may mga iba na nagmamanipula rin ng presyo. Ang lahat ng ito ay napakalaking hamon para kay simpleng Juan dela Cruz. Kailangan niya itong harapin dahil kung hindi, gutom ang kanyang aabutin. Ano na nga ba ang magagawa niya?
Marami sa atin kapanalig, sobra ng namaluktot sa kumot para lamang magkasya ang budget para sa pangangailangan ng lahat ng miyembro ng pamilya. Ang piliting pagkasyahin ang budget ang ginawa ng mga may trabaho pa, kahit bawas o buo pa ang kita. Kulang na kapanalig ang kanilang natatangap para sa karaniwan nilang gastusin. Para magkasya, naging mas kaunti na ang kanilang kinakain, o di kaya bigas na lamang ang kakainin, wala ng ulam.
May mga kababayan naman tayo, kapanalig, na walang wala na talagang pang-gastos. Nauwi sila kapanalig sa panghihingi ng limos para lamang may pang-kain. Ito ang naging sitwasyon ng marami sa ating mga jeepney drivers – malaki man ang katawan sa ating paningin, kapanalig, pero wala ng makuhang trabaho habang ang buong pamilya ay naka-depende sa kanila.
Marami sa atin, hindi maunuwaan ang pinagdadaan ng mga kababayan nating napipilitang mamalimos sa daan. Marami sa atin marahil na iniisip na mukhang malusog naman sila, bakit hindi sila magbanat ng buto? Kapanalig, sa ganitong mga sitwasyon, tandaan natin, hindi lamang pera ang nawala sa mga manggagawang bigla na lamang natanggal sa trabaho. Pati ang kanilang dignidad ay nawala dahil sa kahirapan. Hindi ba’t sabi sa Laborem Excercens, bahagi ng Catholic Social Teachings na ang trabaho ay magandang bagay dahil dito naipapahayag ng manggagawa at naitataas ang kanyang dignidad?
Kapanalig, ang pagtaas ng bilihin at ang kawalan ng trabaho ay dapat iprayoridad ng bayan. Kailangan nating matulungan ang mga kababayang ginawang pulubi ng pandemya. Kailangan nila ang trabaho dahil dito nila mababago ang kanilang sarili at ang mundo, at lalong makikila ang kadakilaan ng kanilang pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.