19,460 total views
Hiniling ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mananampalataya na patuloy ipanalangin ang mga pari na matapat ginagampanan ang tungkuling pagpapastol sa kawang ipinagkatiwala sa kanilang pangangalaga.
Ito ang mensahe ng obispo na kasalukuyang chairperson ng CBCP Office on Stewardship sa pagdiriwang ng Parish Priests Sunday sa August 4 kasabay ng kapistahan ni St. John Mary Vianney na kanilang patron.
Ayon kay Bishop Pabillo, maliban sa mga panalangin mahalaga ring punahin ang mga pagkukulang ng pari upang maiwasto ang anumang pagkakamali dulot ng kahinaan bilang tao.
“Ipagdasal natin ang mga pari na sila ay maging tapat sa magandang tungkuling ito. Pero huwag natin silang ikonsente sa kanilang kahinaan o pagkakamali,” mensahe ni Bishop Pabillo.
Tinuran ng obispo na mahalaga ang gampanin ng mga pari sa pamayanan na nagsusumikap maisabuhay ang mga turo ni Hesus at nag-alay ng kanilang buhay upang maisakatuparan ang pangako ni Hesus sa sangkatauhan na buhay na walang hanggan.
Binigyang diin ng opisyal na tuwangan ang mga pari na manatiling kawangis ni Kristo na nagmimisyon sa pamayanang nagpapalaganap ng habag, awa at pagkakapatiran.
“I-challenge natin sila na maging tunay silang larawan ni Kristo. Sa ganitong paraan lamang magiging mabisa sila sa kanilang gawain sa ubasan ng Panginoon,” giit ni Bishop Pabillo.
Samantala, kamakailan ay nagtipon ang may 250 mga kura paroko sa Pilipinas para sa National Meeting of Parish Priests for the ongoing Synod on Synodality kung saan hinimok ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang mga kura paroko na paigtingin ang pakikilahok ng mga layko at pagtulungan ang misyon simbahan sa mga parokya.
Iginiit ni Bishop David na dapat iwasan ng mga kura paroko ang monopolyo sa pangangasiwa ng parokya kundi himukin ang mga parishioners na maging aktibong katuwang sa pagmimisyon.
Ang nasabing pulong ng mga kura paroko ay kasunod ng international meeting of parish priests sa Sacrofano Italy noong Abril na dinaluhan ng 10 kura paroko na kinatawan ng Pilipinas.