5,391 total views
Nanindigan ang Alliance for the Family Foundation Philippines Inc. (ALFI) laban sa pagsasabatas ng diborsyo na labag sa konstitusyon ng bansa.
Ayon kay ALFI Vice President Atty. Jesus Joel Mari Arzaga, malinaw ang isinasaad sa Section 2 ng Article XV na dapat bigyang proteksyon ng pamahalaan ang kasal sapagkat ito ang pundasyon ng lipunan.
“Malinaw po sa description ng ating constitution ang pag characterize sa marriage bilang isang inviolable social institution…so clearly divorce is contrary to the sanctity of marriage,” pahayag ni Arzaga sa Radio Veritas.
Sinabi ni Arzaga na naging basehan ng mga mambabatas na nagsusulong ng diborsyo ang isang bahagi ng commonwealth act na ipinatupad noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano kung saan pansamantalang ipinatupad ang diborsyo.
Nagbabahala rin si Arzaga sa pag-iidolo ng iilan sa Western culture na nais gayahin ang diborsyo lalo’t sa Amerika naitala ang 50 porsyentong paghihiwalay ng mga mag-asawa sa first marriage; 60 porsyento sa second marriage; at 70 porsyento sa third marriages.
“Hindi po natin nanaisin na mangyayari yan sa atin na yung kasal maging nothing more but a piece of paper, because for us ayon sa ating konstitusyon ang kasal ay ang pundasyon ng ating nasyon,” giit ni Arzaga.
Sa ginawang pagdinig sa senado noong April 18 bukod tanging ALFI lamang ang grupong dumalo na nanindigan laban sa diborsyo.
“I hope in case another committee hearing is scheduled, I hope that we can all come together and voice our opposition against this divorce bill before the senate; conserted effort sanan na nakikipag-usap din ang simbahan doon sa mga mambabatas natin,” ani ng opisyal ng ALFI.
Gayunpaman tiniyak ng ALFI na makikiisa sa mga programang makatutugon sa suliranin sa pamilya na naging basehan sa pagsusulong ng diborsyo lalo na ang pagbibigay edukasyon sa mamamayan ukol sa kahandaang makipag-isang dibdib at pagbuo ng pamilya.
Una nang sinabi ni Fr. Jerome Secillano ng CBCP Public Affairs Commission na bukas ang simbahan sa pakikipagadyalogo sa mga mambabatas na nagsusulong ng diborsyo upang maipaliwanag ang paninidigan ng simbahang katolika.
Sa halip na diborsyo, umaapela ang simbahan sa mga mambabatas na gumawa ng batas na magpapatatag sa pundasyon ng pamilya na mapakikinabangan ng mga Pilipino.