3,454 total views
Mariing kinundena ng Caritas Philippines ang drag performance sa punk rock version ng ‘Ama Namin’ na isang pambabastos sa Diyos at sa kristiyanong pamayanan.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang pangulo ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines isang tahasang paglapastangan ang ginawa ni Pura Luka Vega sa panalanging itinuro ng Panginoon gayundin ang pagbibihis tulad ng kasuotan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
“We are deeply saddened and offended by the recent drag performance of the ‘Ama Namin’ or the Lord’s Prayer. This performance was a deliberate attempt to mock and ridicule our sacred prayer, and it is deeply disrespectful to the Catholic faith,” bahagi ng mensahe ni Bishop Bagaforo.
Paliwanag ng opisyal bagamat kinikilala ng simbahan ang karapatan ng bawat isang magpahayag ng kanilang saloobin pinaalalahanan naman nito ang mamamayan na dapat isaalang alang ang paggalang sa karapatan at paniniwala ng kapwa.
Gayunpaman tiniyak ng Caritas Philippines ang suporta sa mga magagandang programa ng grupo na makabubuti sa pamayanan at simbahan.
“We recognize the diversity within the community and acknowledge that many LGBTQI+ individuals are devout Catholics who love and serve God and the Church,” dagdag ni Bishop Bagaforo.
Bagamat ipinaliwanag ni Vega ang kanyang ginawa sa isang party mariing pinaalalahan ng CBCP ang sinumang indibidwal na maging maingat sa paggamit ng relihiyon at pananampalataya sa mga gawaing pagtatanghal dahil sa kaakibat ng kasagraduhan ng mga pagdiriwang.
Sinabi ni Capiz Archbishop Victor Bendico ng Commission on Liturgy na ang mga gawain sa banal na pagdiriwang ay pagkakataong makipag-ugnayan sa Panginoon kaya’t nararapat na igalang ang mga panalangin at sacred vestments at gamitin lamang ito sa mga naangkop na lugar at pagdiriwang.
Read: https://www.veritasph.net/blasphemy-act-pinuna-ng-opisyal-ng-cbcp-may-god-have-mercy-on-him/
Tiniyak ng Caritas Philipines ang patuloy na pagtataguyod sa karapatang panlipunan gayundin ang pagkalinga sa bawat isa lalo’t higit ang labis nangangailangan sa pamayanan.
“We strive to create spaces where diverse voices can be heard, and where the rights and dignity of all individuals, regardless of their sexual orientation or gender identity, are upheld and protected,” giit ng opisyal.