269 total views
Umaasa ang CBCP-Episcopal Commission on Health Care na bukod sa pisikal at sakit pangkalusugan ay makatulong rin ang dalawang buwang “Journey of the Heart ni Saint Camillus de Lellis” sa bansa upang masolusyunan ang iba’t-ibang lumalalang sakit sa lipunan.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cancino – Executive Secretary ng komisyon, nawa ay mapuspos ang mamamayang Filipino ng biyaya mula kay San Camillo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malalim na pag-uunawaan, pagkakaisa at pagmamahal sa kapwa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananaw.
Tiwala ang Pari sa pamamagitan ng pagkakaisa ay masosolusyonan ang lumalalang sakit ng lipunan sa pagkakawatak-watak, hindi pagkakaunawaan at ang tinaguriang ni Pope Francis na throw-away culture kung saan karaniwang naisasantabi ang mga mahihina at maliliit na sektor ng lipunan.
“Sana yung kanyang Journey of the Heart dito sa Pilipinas, puspusin tayo ng pagpapalang iyon kung pinapahalagahan natin yung puso din natin, pahalagahan din natin yung puso ng ibang tao. Mahalin natin ang bawat isa, magkaiba man tayo, may kakaibang pananaw man tayo. Mahalin kita, mahalin mo rin ako, lalong-lalo na tayong mga Filipino may pagkakaiba man tayo ng pananaw, pananampalataya, mayroon tayong iisang common sa ating lahat, tayo ay Filipino na dapat na magmahalan, so doon sa sakit ng indifference, sakit ng pagkaka hiwahiwalay, pagkakawatak, sakit ng throw-away kapag napahalagahan natin ang bawat isa…”pahayag ni Father Cansino sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaan na noong ika-2 ng Pebrero dumating sa bansa ang Incorrupt Heart Relic o ang higit 400-taon ng hindi naaagnas na puso ni Saint Camillus de Lellis upang bumisita sa iba’t-ibang mga Simbahan at ospital mula sa mahigit na 19 na mga diyosesis sa buong bansa hanggang sa ika-31 ng Marso bago muling bumalik sa Roma.
Anim na taon na ang nakalipas ng unang naganap ang Journey of the Heart ni St. Camillus sa Pilipinas noong February 18, 2013 hanggang March 10, 2013.