452 total views
Mga Kapanalig, sa raid na isinagawa ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (o PNP) sa isang POGO facility sa lungsod ng Las Piñas noong nakaraang buwan, nakasagip sila ng mahigit 2,700 na biktima raw ng human trafficking. Halos kalahati sa kanila ay mga dayuhang walang kaukulang dokumento upang pumasok at magtrabaho sa Pilipinas. Mula sila sa mga karatig-bansang katulad ng Indonesia, Vietnam, at Malaysia. Mayroon ding galing ng Africa. May mga Pilipino rin sa naturang pasilidad. Itinuturing ng PNP na mga biktima ng human trafficking ang mga sinagip nila sa Las Piñas dahil hindi sila pinapayagang umalis sa kanilang trabahong umaabot ng labindalawang oras kada araw.
Ang POGO o Philippine offshore gaming operators ay dumagsa noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Digong Duterte. May mga iniuugnay ang mga ito sa pagiging malapít ng nakaraang administrasyon sa gobyernong China. Ang nakapagtataka, iligal sa China ang mga negosyong ito dahil una sa lahat, karamihan sa mga POGO ay nasa online gambling na bawal doon. At dahil karamihan sa mga nagsusugal online ay mga taga-China, mga taga-roon din ang madalas na kuning manggagawa sa mga POGO. Noong 2020 nga, nasa tinatayang 70,000 Chinese nationals ang nasa Pilipinas upang magtrabaho sa mga POGO. Maaaring mas marami pa ang bilang nila dahil hindi bababa sa 200 na POGO ang nag-o-operate nang walang permit. Ang POGO na ni-raid ng mga pulis sa Las Piñas ay sinasabing isang “scam hub” o sangkot sa investment scam.
Dahil sa kontrobersyang bumabalot sa mga POGO, nais na ni Senador Sherwin Gatchalian na tulayan nang i-ban sa bansa ang mga ito. Naiparating na raw niya ang kanyang mungkahi kay Pangulong BBM na aniya’y lubhang nabahala sa krimeng nagyayari sa mga POGO.4 Samantala, nais paimbestigahan ng ibang mambabatas ang nangyaring raid dahil umano sa kawalan ng koordinasyon ng PNP sa Department of Justice.
Sa pananaw ng Simbahan, ang human trafficking ay malinaw na labag sa angking dangal at kalayaan ng mga biktima. Itinuturing kasing kasangkapan ang mga tao ng kanilang kapwa. Sinasamantala ang kanilang kalagayan upang mapakinabangan ng mga nais kumita lamang. Sa kaso ng mga napapasok sa iligal na online gambling at scamming, marami sa kanila ang nawalan ng trabaho noong kasagsagan ng pandemya at desperadong magkaroon ng hanapbuhay. Minsan na ngang tinawag ni Pope Francis na “crime against humanity” ang human trafficking. Isa itong sugat sa pagkatao ng mga biktima pati na rin ng mga gumagawa nito.
Kung totoong may human trafficking sa likod ng POGO na ni-raid ng mga pulis sa Las Piñas at sa iba pang POGO sa ibang lugar sa bansa, dapat lamang na suriing mabuti kung dapat nga bang payagan pa ng pamahalaan ang operasyon ng mga negosyong ito sa ating bansa. Bagamat kinikilala ng US State Department ang seryoso at masigasig na pagsagip ng pamahalaan sa mga biktima ng human trafficking sa ating bansa, bigo pa rin itong imbestigahan at papanagutin ang mga nambibiktima. Malaking bahagi raw ng kabiguang ito ang laganap na katiwalian sa gobyerno, at ang pakikipagsabwatan ng mga nasa posisyon ay nananatiling hadlang sa pagsugpo sa human trafficking.
Mga Kapanalig, sa Exodo 21:16, mabigat ang parusang naghihintay sa mga taong sangkot sa tinatawag natin ngayong human trafficking. “Sinumang dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin.” Hindi natin sinasabing dapat patayin ang mga nasa likod ng human trafficking; ang kailangan ay maigting na pagpapatupad ng ating mga batas. Sa huli, hindi lalaganap ang human trafficking kung may disenteng trabahong mahahanap ang ating mga kababayan upang hindi sila mapilitang kumapit sa patalim. Dapat na putulin ang mga ugat ng human trafficking sa bansa.
Sumainyo ang katotohanan.