202 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan kahapon ay ang paggunita sa World Day Against Child Labor. Itinuturing ang child labor na isa sa mga pinakamalubhang porma ng pang-aabuso sa mga bata, isang hadlang sa kanilang pag-unlad bilang tao. Ayon sa International Labor Organization o ILO, ang Pilipinas ay may tinatayang 3.2 milyong mga batang biktima ng child labor, at marami sa kanila ay matatagpuang nagbabanat ng buto sa mga plantasyon at sakahan.
Child labor din ang sapilitang pagkuha sa mga bata upang gawing mga sundalo ng mga grupong kumakalaban sa pamahalaan o naghahasik ng terorismo. Kaya naman, pangunahing tuon ng World Day Against Child Labor ngayong taon ay ang mga batang naiipit sa gitna ng digmaan at kalauna’y nasasangkot sa marahas na pakikipaglabanan.
Ang paggamit sa mga bata bilang mga sundalo ay matagal nang isyu sa ating bansa. Noong 2015, iniulat ng embahada ng Amerika sa Pilipinas na mayroong mga armadong grupong katulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, New People’s Army, at Abu Sayyaf na nagre-recruit ng mga bata. Pebrero ngayong taon nang palayain ng Moro Islamic Liberation Front (o MILF) ang mga batang sundalong kasapi ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o nanilbihan sa Women Auxiliary Brigade ng MILF. Sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng ating pamahalaan at mga armadong grupo sa Marawi, napag-alaman ding gumagamit ang Maute Group ng mga batang sundalo.
Nakalulungkot, mga Kapanalig, na sa halip na nasa paaralan ang mga bata at libro at lapis ang kanilang hawak, naroon sila sa gitna ng gulo at baril ang bitbit. Sa halip na sila ay lumaki sa isang mapag-arugang pamilya at sa mapayapang pamayanan, namumulat sila sa karahasan. May nakahaing panukalang batas ngayon sa Senado na naglalayong iligtas ang mga batang naiipit sa digmaan mula sa mga kumukuha sa kanila upang gawing sundalo. Ang pangunahing estratehiya ng Senate Bill 1474 ay ang pagtatatag ng mga tinatawag na “zones of peace” sa tuwing mayroong sagupaan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at ng mga kalaban nito. Sa pamamagitan ng mga “zones of peace,” magiging mahirap para sa mga armadong grupo na mag-recruit o sapilitang kumuha ng mga batang gagamitin nila sa kanilang operasyon. Bagamat ang mas ideyal na kalagayan ay ang kawalan ng giyera at gulo, ang pagdedeklara ng “zones of peace” ay mainam na ring hakbang upang mapangalagaan ang mga karapatan at matiyak ang kapakanan ng mga bata sa mga tinatawag na conflict areas.
Iskandalo para sa atin sa Simbahan ang patuloy na paggamit sa mga bata bilang sundalo. Tulad ng kalagayan ng mga batang namamasukan nang walang bayad at pinagtatrabaho sa mga taniman o minahan, ang mga batang pinaghahawak ng armas para sa layuning hindi nila lubusang nauunawaan ay lantarang pag-abuso sa kanila, tahasang paglapastangan sa kanilang dignidad, at malinaw na pagnanakaw ng kanilang kinabukasan.
Sa isang pahayag noong Disyembre, ikinalungkot ni Pope Francis ang patuloy na pagkakauwi sa mga kamay ng mga bata ng mga armas na nilikha gamit ang makabagong teknolohiya. Patuloy ang paghimok niya sa lahat gumawa ng mga hakbang upang tuldukan na ang isyu ng child soldiers. Ngunit upang wakasan ito, kinakailangang magsimula sa mga balangkas ng ating lipunan na ginagawang posible ang paggamit sa mga bata bilang sundalo. Walang mga batang sundalo sa isang lugar na mapayapa. Walang gulo sa isang maunlad na lugar. Walang kahirapan sa isang makatarungang lipunan. Kapayapaan, kaunlaran, at kahirapan ang nagtutulak sa mga taong kumapit sa patalim at gumamit kahit pa ng mga bata para sa kanilang pansariling interes.
Sa patuloy na sagupaan ng pamahalaan at mga armadong grupo, alalahanin natin ang mga batang humahawak ng armas. Nawa’y maging matapat ang pamahalaan sa pagtahak ng daan patungo sa kapayapaan lalo na para sa mga bata.
Sumainyo ang katotohanan.