518 total views
Naniniwala si Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) National President Efren De Luna na hindi pa napapanahon ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng Department of Transportation (DOTR).
Ayon kay De Luna, sa halip na i-phase out ang nasa mahigit dalawang daang libong jeep sa bansa ay palitan na lamang ang mga makina nito upang hindi maging kalbaryo ng malilliit na driver at operator na nakasalalay sa pamamasada ang pang-araw araw na pantustos sa pamilya.
“Ang imumungkahi natin, maging makatotohanan naman ang ating pamahalaan na yung sistema na pinaplano nila ay sa susunod na ‘yon. Hindi naman kailangan na magkaroon kaagad ng modernization na yung standard [jeep] na ang gagamitin sa 255,000 may prangkisa na mga jeep. Kahit anong isipin natin hindi kaya ng gobyerno na pondonhan at pautangin yung ganyan karami, kaya ang iminumungkahi namin ay pagandahin at ayusin ang mga sasakyan at palitan na lamang yung engine,” ani De Luna.
Sa ilalim ng PUV modernization program, magpapahiram ang pamahalaan ng pondo sa mga tsuper upang mapalitan ng ‘environment-friendly’ na e-jeepney na nagkakahalaga ng 1.5milyong-piso ang mga pampasaherong jeep na may edad labing limang taon pataas.
Layon din ng programa ng transportation department ang pagtatayo ng kooperatiba para sa maliliit na jeepney driver upang madali silang makapagpalit ng unit gayundin ang pagiging suwelduhan ng mga tsuper upang hindi na kakailangin pang magterminal sa mga kalye o lumikha ng trapiko.
Sa tala ng LTFRB, aabot sa 234,000 ang kabuuang bilang ng pampasaherong jeep sa bansa kung saan 70,000 rito ang bumabyahe sa kalakhang Maynila.
Una nang inihayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade na isang regalo mula sa gobyerno ang e-jeepney dahil pinaniniwalaang aabot sa 33-libong piso kada buwan o 1,100 piso kada araw ang kikitaan ng bawat driver, higit na mas malaki sa 700 piso na kasalukuyang kita nila kada araw.
Sa kanyang ensiklikal na Laudato Si, hinihikayat ni Pope Francis ang bawat mananampalataya na huwag tangkilikin ang mga pampublikong sasakyan na nagbubuga ng maitim na usok na pangunahing sanhi ng polusyon sa hangin at pagbabago ng klima sa mundo.