400 total views
Ang diskriminasyon ay isang malawak na isyu sa ating lipunan. Marami tayong mga kababayan na nagiging biktima nito. Pero kapanalig, ang isang pangkat na laging nabibiktima nito, aminin natin o hindi, ay ang mga PWDs. Tinatayang mga 1.44 million ang bilang ng mga PWDs sa ating bayan. Siguradong mas marami pa ito dahil may iba ibang kapansanan na hindi natin nabibigyan ng atensyon o narereport.
Isang halimbawa ng kapansanan, kapanalig, ay psoriasis. Marami ang hindi nakaka-alam tungkol dito. Pag may nakita tayong kababayan na may mga sugat at pagbababalat sa parte ng katawan, minsan kinukutya pa natin ito o pinandidirihan. Natatakot tayong mahawa dito. Hindi natin naiiisip agad na ito ay psoriasis, isang hindi nakakahawa na auto-immune disease na nakaka-apekto sa balat ng tao. Kadalasan, panghabambuhay na sakit ito, at may mga panahong mas grabe ang epekto nito sa balat ng tao, may panahon na halos wala naman ito. Pero may mga triggers ito na magsisimula na naman ng pagdami sa mga taong meron nito. Wala pang cure ang sakit na ito, management at treatment pa lamang ng mga sintomas.
Ayon sa RITM, mga 1.8 milyong Filipino ang may psoriasis sa ating bansa.
Hindi lamang simpleng sakit sa balat ang psoriasis. Kadalasan, kakambal nito ang depresyon at anxiety. Tinatayang 48% ng mga 60 milyong may psoriasis sa buong mundo ay may anxiety.
Kaya nga’t pagdating sa trabaho, halimbawa, hindi man natin napapansin, nakaka-discriminate tayo sa mga may kapansanang gaya ng psoriasis. Sa mga halatang disability, nagpaparaya tayo at hinahanda din natin ang workplace para maging mas PWD-friendly, hindi ba? Kulang pa rin, pero kahit papano, mayroon. Pero sa mga kapansanang di agad napapansin gaya ng psoriasis at iba pang mental health issues, kulang pa lalo ang ating pag-unawa at paghahanda. Halimbawa pumila sila sa priority lane, sumasama pa ang loob natin dahil hindi naman sila pilay, o matanda, mukha naman silang walang kapansanan.
Kapanalig, kailangan natin ng mas malawak pa na awareness sa mga diskriminasyon sa mga PWDS na nangyayari sa ating lipunan. Kadalasan, ang mga pangyayari ito, hindi man sinasadya, ay malaki ang epekto sa mga biktima nito. Ang mga unconscious bias natin ay maaring lalo pang nagpapalala sa mga diskriminasyon na ito.
Ang mas malawakang pagpapataas ng kamalayan o awareness ukol sa maraming anyo ng diskriminasyon ay isa sa mga paraan upang mabawasan natin kahit papaano ang mga ganitong pangyayari. Responsibilidad natin ito bilang isang malaking kristyanong pamilya. Sabi nga sa Gaudium et Spes, the healthy state of the individual of both a human and Christian society is closely bound up with the healthy state of the community. Ang kaayusan ng komunidad ay malaki ang epekto sa kaayusan ng indibidwal.
Sumainyo ang Katotohanan.