403 total views
Panahon ng kahirapan ngayon, kapanalig. Marami sa atin, namamaluktot para magkasya ang kakaunting kita. Ang mga PWDs kaya, may ibabaluktot pa ba para sumakto ang kita? May kita nga ba sila?
Sa ating bansa, batay sa National Disability Prevalence Survey (NDPS) noong 2016, mga 12 percent ng mga Filipinos may edad 15 pataas ay nakakaranas ng severe disability. Halos isa sa dalawa naman ay may moderate disability, habang 23 percent ay may mild disability. Nakita rin ng pagsusuri na ito na karaniwan, mas nakakaranas ang mga kababaihan ng severe at moderate disability kaysa sa lalake, at halos isa sa tatlong tao na may severe disability ay may edad 60 pataas.
Hindi biro ang maging PWD, kapanalig, lalo pa’t sa bansa gaya ng sa atin. Maraming mga hamon at balakid sa kanilang hanay ang humahadlang sa kanila na mamuhay ng marangal.
Kapanalig, tungkulin natin na tiyakin na makamtan ng mga PWDs ang kanilang mga karapatan. Sa katunayan, pinapa-alalahan tayo ng Deus Caritas Est o God is Love, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, na wala dapat puwang ang kahirapang nagnanakaw ng dangal ng buhay sa ating lipunan. Upang ating magawa ito, kailangan nating suriin ang mga hamon sa PWDs, lalo ngayong panahon ng pandemya at kahirapan.
Marami sa kanilang hanay ang nawalan ng trabaho. Maaring masabi mo na, halos lahat naman, nawalan. Kaya lamang kapanalig, mas immediate ang pangangailangan ng PWDs ng trabaho dahil hindi gaya sa iba, mas mahirap para sa kanila ang kumita. Mas limitado ang oportunidad sa kanilang hanay. Isang halimbawa ay ang massage sectors kung saan marami sa mga bulag ang kaugnay. Dahil sa quarantine, wala na silang trabaho, at matumal din ang oportunidad. Kung may oportunidad man, mas mahirap lumabas upang maabot ito. Ang ating mga lansangan ay hindi PWD friendly.
Kulang din sa suporta ang mga kabahayan na may PWD. Maliban sa ayuda at minsanang relief, ang pagkabahala o anxiety sa kabahayang may PWD ay mas madalas at mas malalim. Mas bulnerable kasi ang tahanang may PWD sa panahon ng pandemya. Lagi silang nasa laylayan ng lipunan, at kadalasan, napag-iiwanan. Kaya sana nga, alam ng mga barangay kung sino at saan sa kanilang lugar ang may PWD, at dapat kapag nagmumudmod sila ng assistance, ito ang una nilang prayoridad. Maliban sa assistance, kailangan nila ng mas maraming oportunidad upang mas aktibong makalahok sa merkado at lipunan.
Kapanalig, ang kaunlaran ng pinakabulnerableng sektor ay kaunlaran ng lahat. Ang lipunang nagpapabaya sa PWDs ay hindi makakamtan ang tunay na kaunlaran. Nawa’y ating mapagtanto na mas kailangan nila ng ating atensyon at tulong ngayon, dahil sa panahon kahirapan, ang bulnerableng gaya nila ang laging naiiwan.
Sumainyo ang Katotohanan.