98,935 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang buwan ay pinag-usapan natin sa isang editoryal ang isinasagawang people’s initiative para sa Charter change (o Cha-cha). Sinimulan ito dahil sa hindi pagsuporta ng Senado na amyendahan ang Konstitusyon.
Itinutulak ng people’s initiative ang pagsasama ng mga senador at kongresista sa pagboto sa mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon, imbis na sila ay bumoto sa kani-kanilang kamara. Siyempre, tutol dito ang mga senador dahil lugi sila sa bilangan—24 ang mga senador habang mahigit 300 ang mga kongresista. Sa pagsisiyasat ng Senado tungkol sa inisyatibong ito, lumabas na nakipagtulungan ang People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA), ang pasimuno ng people’s initiative, kina House Speaker Romualdez at sa ibang kongresista sa pangangalap ng kinakailangang pirma upang umarangkada ang people’s initiative.
Ang mistulang desperasyon ng mga kongresista na maitulak ang Cha-cha ay dahil daw sa pangangailangang pataasin ang foreign investments upang gumanda ang ating ekonomiya. Pilit na itinatanggi ng mga kongresistang may gusto silang baguhin sa mga patakarang pampulitika, gaya ng pagpapahaba ng kanilang mga termino. Maging si Pangulong BBM, sa komemorasyon ng Constitution Day noong ika-9 ng Pebrero, ay sinabing ang gusto lamang baguhin ng kanyang administrasyon sa ngayon ay ang mga restrictive na mga patakarang pinipigilang umarangkada ang ating ekonomiya. Ang tugon ng ilang mga kongresista sa pahayag na ito: “We will follow the president”.
Pero para kanino ba ang mga pagbabagong inaasam nila?
Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, dapat magtulungan ang mga mambabatas upang makamit ang gustong mangyari ni PBBM pagsapit ng 2025. Tinutukoy niya ang kagustuhan ni PBBM na maging upper middle-income class ang bansa pagdating ng 2025, bagay na binanggit niya sa kanyang unang SONA. Sa pagtukoy ng kinabibilangang income class ng isang bansa, tinitingnan ang gross national income o ang kabuuang kita ng lahat ng mamamayan at negosyo sa bansa.
Ngunit ang positibong pang-ekonomiyang datos ay hindi katumbas ng magandang buhay para sa lahat ng mamamayan. Halimbawa na lamang ang pagbaba ng unemployment rate. Kahit marami ang may trabaho, hindi naman ibig sabihing sapat ang suweldong natatanggap ng mga manggagawa. Kapag nakamit ng Pilipinas ang pagiging upper middle-income class, tagumpay ito para sa administrasyong PBBM, ngunit hindi ibig sabihin ay tataas ang estado ng pamumuhay ng mga mamamayang Pilipino. Tandaan natin: ang pag-unlad ay hindi lamang nakasalalay sa paglago ng ekonomiya. Gaya ng sabi sa Catholic social teaching na Populorum Progressio, ang tunay na pag-unlad ay well-rounded o balanse at pangkabuuan. Hindi dapat nakahiwalay ang datos o numerong nagsasabing maunlad ang ekonomiya sa realidad o tunay na karanasan ng taumbayan.
Kaya ang ating tanong sa mga pampublikong opisyal: pwede po bang ang taumbayan naman? Maliban sa pagtuon sa mga pang-ekonomikong numero ng bansa, baka pwedeng pagtuunan din ng pansin ang pag-unlad ng kakayanan ng mga mamamayan na mamuhay nang komportable. Baka pwedeng ipaglaban naman ang mga hangarin ng mga Pilipino katulad ng pagpupursige nilang matupad ang nais ni PBBM. Baka pwedeng taumbayan naman.
Mga Kapanalig, ating tandaan ang sinasabi sa Mga Kawikaan 22:16, “Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman ay mauuwi rin sa karalitaan.”
Sumainyo ang katotohanan.