356 total views
Kinilala at pinasalamatan ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) ang hakbang ng Department of Education (DepEd) na patibayin ang isinasagawang pag-aaral at pagsasaliksik ng mga estudyante.
Ito ay sa pamamagitan ng pagtatatag ng Quality Control Checklist (QCC) sa mga ‘Completed Basic and Action Research’ na magtatakda at aayos sa mga isinagawang pagsasaliksik base sa kanilang kategorya upang mapadali naman ang paghahanap ng mga susunod na mag-aaral ng kanilang mga kakailanganing research studies.
Ayon kay Benjo Basas – TDC National Chairperson, itataguyod ng hakbang ang Research Culture sa Pilipinas na patatagin ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa pag-alam ng mga wasto at tamang impormasyon.
“We welcome this development as it promotes the culture of research among our teachers and even learners. Mahalaga ito kasi thrill research made-develop rin ang reading culture and yung fact-checking and the desire to find the truth in scientific way will eliminate the proliferation of disinformation, fake news and historical revisionism,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Basas sa Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ni Basas, mahalaga ang inisyatibo ng kagawaran dahil ang halos lahat ng mga ginagamit ng sangkatauhan sa pang araw-araw na pamumuhay ay nalikha sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga masusing pag-aaral.
“Almost everything we use today- from academics, arts, sciences, theories and principles, even the most important inventions that aid the humanity are products of research. Proven na yung kahalagahan nito in the past and of course, crucial din ito for the future,” pagbabahagi pa ni Basas.
Una ng hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na tiyakin muna ang katotohanan ng mga impormasyon bago ito ibahagi sa publiko.