1,465 total views
Itinatag ng Diocese of Legazpi ang Quasi Parish of Saint Pedro Calungsod sa Bascaran, Daraga Albay.
Sa Decree of Canonical Establishment ni Bishop Joel Baylon layunin ng pagtatag ng quasi parish na mas higit mapalago ang pangangalaga at pagpapastol sa nasasakupang mananampalataya.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang sa ika – 250 anibersaryo ng pagkatatag ng Parish of Our Lady of Gate sa Daraga Albay.
Nais ihiwalay ng obispo ang mga Barangay ng Bascaran, Alobo, Burgos, Gapo, Inarado, Kinawitan, Mabini, Tabon-Tabon, at Talahib sa Our Lady of Gate tanda ng pagpapalawak ng misyon ng diyosesis.
Gayunpaman inatasan ni Bishop Baylon ang Our Lady of Gate bilang Mother Parish na gabayan ang paghuhubog sa Quasi Parish of Saint Pedro Calungsod kasabay ng panawagan sa nasasakupang mananampalataya na magkaisa at magtulungan.
“The faithful within the territory of the Mother Parish are called upon in their Christian duty to offer their unwavering support and cooperation. They are encouraged to assist their Quasi-Parish with their offerings and active participation, nurturing it into a true Christian community.” bahagi ng mensahe ni Bishop Baylon.
Sa loob ng 250 taon ng simbahan ng Daraga Albay ilan sa mga naging parokya nito ang Parish of Our Lady of Salvation sa Anislag na itinatag noong May 15, 1970, Parish of Our Lady of the Assumption sa Malabog noong November 25, 1979; at Parish of San Ramon Nonato sa Tagas noong August 31, 2019.
Magiging epektibo ang quasi parish sa September 10 kung saan pinahihintulutan nito ang pangangalaga ng Banal na Sakramento, pagkakaroon ng baptismal font, paggawad ng mga sakramento, pangangasiwa ng canonical books gayundin ang book of inventories.
Ayon sa tala ng Catholic Hierarchy noong 2021 nasa 49 ang mga parokya sa Diocese of Legazpi na may halos isa punto limang milyong katoliko kung saan katuwang ni Bishop Baylon sa pagpapastol ang mahigit 100 mga pari.