636 total views
Nakikiisa ang Catholic Bishop Conference of the Philippines sa pakikiramay sa pamilya ng yumaong si Queen Elizabeth II ng Britanya.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, chairman ng CBCP-Episcopal Office on Women na naging makabuluhan ang pitong dekadang pamamahala ni Queen Elizabeth II dahil sa kanyang pananampalataya at pagpapahalaga sa kapakanan ng nakararami.
“Queen Elizabeth II was a woman of faith. She made Jesus the center of her life. She valued humanity,” pahayag ni Bishop Varquez sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na mayroong mataas na pagpapahala ang yumaong Reyna sa paniniwala at pananampalataya ng mga tao.
Kabilang na ang pagsusulong sa religious freedom sa United Kingdom na bagamat nasa ilalim ng monarkiyang pamamahala ay binigyan ng kalayaan ang mga tao na ipahayag ang kanilang pananampalataya.
Ito ang binuhay at ipinagpatuloy ni Queen Elizabeth II mula sa naging pamumuno ni Queen Victoria.
“She gained high respect and admiration of the many peoples in the world. Her power as a woman was not based on arms and wealth but on her character and values,” saad ni Bishop Varquez.
Pumanaw si Queen Elizabeth II September 8, sa edad na 96-taong gulang makalipas ang kanyang pitong dekadang paninilbihan bilang Reyna ng Britanya.
Taong 1952 nang italaga si Queen Elizabeth II sa edad na 25 taong gulang kasunod ng pagpanaw ng kanyang amang si King George VI.
Itinalaga naman ang 73-taong gulang at dating Prince of Wales na si King Charles III bilang bagong pinuno ng Britanya at 14 na Commonwealth realms.