299 total views
March 13, 2020, 4:01PM
Tiniyak ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene na malinis ang buong paligid nito kabilang na ang loob ng Simbahan para sa kaligtasang pangkalusugan ng mananampalataya.
Ayon kay Reverend Father Douglas Badong, ang parochial vicar ng St. John the Baptist Parish o Quiapo Church, ito ay pagtugon upang makaiwas sa posibleng pagkalat ng virus lalo’t natutulog sa loob ng simbahan ang mga walang masisilungan na nasa paligid ng Basilica.
“Nagkaroon ng pag-disinfect sa loob at labas ng simbahan so ang paglilinis ay talagang masusing tinututukan,” pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
Sinabi ng pari na mananatiling bukas ang simbahan 24-oras para sa mga taong nais magdasal at nangangailangan ng kalingang espiritwal ngunit mahigpit ipapatupad ang ibayong pag-iingat.
Hinimok ni Fr. Badong ang mga may karamdaman at senior citizen na kung maari ay huwag munang magtungo sa Quiapo Church sa halip ay tumutok na lamang sa isasagawang livestreaming ng mga misa sa facebook page ng simbahan upang makaiwas sa banta ng corona virus.
“Bukas pa rin 24/7 ang simbahan pero siyempre dobe at ibayong pag-iingat ang i-implement dito sa Quiapo church,” saad ng pari.
Bilang bahagi rin ng pag-iingat pansamantalang isinara ng pamunuan ng Basilica ang pahalik sa mga imahe ng santo.
Mungkahi naman ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa pamunuan ng Quiapo na pansamantalang isapribado ang pagsasagawa ng misa ng simbahan upang maiwasan ang pagtitipon ng maraming tao batay na rin sa panawagan ng pamahalaan sa patnubay ng Department of Health.
Hiling nito sa bawat isa na makipagtulungan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID 19 sa bansa na sa kasalukuyan ay nasa 52 na ang nagpositibo habang lima ang binawian ng buhay dulot ng komplikasyon