414 total views
September 17, 2020-10:27am
Nakahanda ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene na harapin ang anumang imbestigasyon hinggil sa paglabag sa quarantine protocol.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Basilica, handa ring akuin ng Quiapo Church ang responsibilidad kung mapatutunayang may paglabag sa ginanap na prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno nitong ika – 14 ng Setyembre.
“Haharapin namin at makikipagtulungan kami sa imbestigasyon na gagawin nila at handa kaming akuin ang buong responsibilidad kung sakaling mayron kaming nilabag sa quarantine protocols,” pahayag ni Fr. Badong sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng Basilica sa pahayag ng Manila Police District na mahaharap sa imbestigasyon ang pamunuan dahil lumabag ito sa protocol na ipinagbabawal ang mass gatherings sa ilalim ng general community quarantine.
Una ng ipinag-utos ni MPD director Brig. Gen. Rolando Miranda sa Quiapo Police station na makipagpulong sa pamunuan ng Basilica upang talakayin ang mga posibleng paglabag.
Matatandaang inilabas ang imahe ng Poong Hesus Nazareno sa Kapistahan ng Pagtatanghal sa Banal na Krus ni Hesus upang masilayan ng mga deboto at magbigay inpirasyon sa gitna ng paghihirap na dinaranas dulot ng coronavirus pandemic.
Nanindigan ang Quiapo Church na dumaan sa wastong proseso bago inilabas ang Poong Nazareno tulad ng paghingi ng permiso kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila at maging ang paghingi ng tulong sa mga pulis na nakatalaga sa Quiapo upang mahigpit na maipatutupad ang physical distancing.
Inamin naman ni Fr. Badong na bagamat piling mga Hijos lamang ang sumali sa prusisyon, hindi napigilan ng ilang deboto na makiisa sa prusisyon nang makita ang imahe na inilabas at umikot sa lansangan sa paligid ng Basilica na tumagal ng tatlong oras.
Tiniyak ng pamunuan ng Basilica na makipagtulungan ito sa isasagawang imbestigasyon ng Joint Task Force COVID Shield.