441 total views
Isang hamon sa pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church ang pagkilalang iginawad ng Catholic Social Media Awards 2020 na Best Parish Facebook Page upang higit pang pag-ibayuhin ang pagiging daluyan ng ebanghelyo ng Simbahan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Msgr. Hernando “Ding” Coronel – Rector at Parish Priest ng Quiapo Church, kaisa ang lahat ng mga deboto at mga mananamapalataya ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa karangalan at responsibilidad na kaakibat ng pagkilala sa pagbabahagi ng Salita ng Diyos lalo na sa pamamagitan ng social media.
“Nakatanggap po tayo ng award mula sa Catholic Social Media Awards 2020 at ang napanalunan po natin tagumpay po natin lahat ito ay Best Parish Facebook Page, Best Parish Facebook Page karangalan ito at responsibilidad at tayong lahat kasama dito kasi napakalaki po ng ating komunidad na sumusubaybay sa pamamagitan ng Social Media.” pahayag ni Msgr. Hernando “Ding” Coronel.
Ibinahagi ni Msgr. Coronel na bago lumaganap ang COVID-19 pandemic sa bansa ay mayroon lamang halos isang milyong Facebook followers ang Facebook page ng Quiapo Church na umabot sa mahigit tatlong followers ngayong panahon ng pandemya.
Ipinaliwanag ng Pari na ang pagkilala ng Catholic Social Media Awards 2020 sa Quiapo Church bilang Best Parish Facebook Page ay isa ring patunay sa kapangyarihan ng sama-samang taimtim na pananalangin ng bawat mananamapalataya maging sa gitna ng mga limitasyon at sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan.
“Ang ating followers sa Facebook bago ang pandemya kulang kulang isang milyon ngayon tatlong milyon at mga nagmamahal, naglilingkod sa Senior [Mahal na Poong Hesus Nazareno] kaya yung mga dasal natin sa isa’t isa napapakinggan kung tayo ay nagtutulong tulong, iba ang positibong lakas ng dasal kung pinagbigkis bigkis sa harap niya, iba na talaga ang Facebook, iba na ang Social Media.” Dagdag pa ni Msgr. Coronel.
Unang nanawagan at hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa na gamitin sa mas makabuluyang pamamaraan at pagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga modernong gadget partikular na ang internet at social media na dapat ituring na isang pambihirang biyaya ng Panginoon para sa pakikipagkumunikasyon.
Sa isang dokumento ng Vatican na may titulong Church and the Internet, sinasabing mahalagang magamit din ng Simbahan ang makabagong teknolohiya tulad ng internet para ipahayag ang misyon at Mabuting Balita ng Panginoon.
Sa tala mula sa mahigit 100-milyong populasyon ng Pilipinas may tinatayang 47-milyon ang active Facebook users sa buong bansa.