491 total views
Tiniyak ng Minor Basilica of the Black Nazarene ang pagpapaigting sa pagpalaganap ng mga Salita ng Diyos gamit ang social media.
Ito ang mensahe ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church hinggil sa pagkakabilang ng simbahan sa top influencer and media channel sa social media sa pag-aaral ng communication campaigns and consulting company na BluePrint.PH.
Ikinagagalak din ni Fr. Badong na marami ang naabot ng broadcast ng simbahan sa pamamagitan ng social media sa iba’t ibang panig ng mundo lalo’t may grupo ng mga OFW na deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa ibayong dagat.
“Napakalaking responsibilidad din ito na ipagpatuloy ng Basilica ang misyon ng simbahan na magbigay ng pag-asa at maghatid nang Mabuting Balita,” pahayag ni Fr. Badong sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa pag-aaral ng BluePrint.PH pangalawa ang Quiapo Church sa top 10 influencer na nangangahulugang sinusundan ng maraming netizens ang mga gawain ng simbahan tulad ng banal na misa.
Dagdag pa ni Fr. Badong na magandang plataporma rin ito sa paghahayag ng mga Salita ng Diyos lalo ngayong ipinagdiriwang ng Pilipinas ang ikalimandaang taon ng kristiyanismo.
“Kami (basilica) ay tagapagpahayag ng Mabuting Balita; ang Poong Nazareno pa rin ang dapat na aming maiparinig at marinig ng sambayanan,” ani Fr. Badong.
Ang Quiapo Church Facebook page ay may 1.6 million likes habang mahigit sa tatlong milyon naman ang followers.
Sinabi pa ni Fr. Badong na ang social media ay naging paraan ng Panginoon at ng simbahan upang maihatid ang mga Salita ng Diyos sa iba’t ibang panig ng daigdig lalo’t may 70-porsyento ng populasyon ay gumagamit ng internet sa Pilipinas.