180 total views
Nagpahayag ng kanilang pakikiramay ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa pagkamatay ng isang deboto matapos ang pakikibahagi sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno 2018 na tumagal ng 22 oras.
Ayon kay Fr. Douglas Badong- Parochial Vicar ng Quiapo Church, nabigyan naman ng paunang lunas ng medical volunteer ang biktima at agad na naisugod sa pagamutan.
“Sinikap po ng ating medical volunteer na sya ay mabigyan ng tulong at isinugod sa hospital. Ang sabi po kasi siya ay may karamdaman, at naghihintay sa pagdaan ng Nazareno nang makaranas ng paninikip ng dibdib,” ayon kay Fr.Badong.
Si Ramil Dela Cruz, isang deboto ng Nazareno ay dating jail officer na nasawi nang isugod sa Jose Reyes Memorial Center makaraan makaranas ng pagkahilo.
Sinabi pa ni Fr. Badong na hindi naman nagkulang ang pamunuan ng Quiapo Church maging ang lokal na pamahalaan ng Maunila na paalalahanan ang mga deboto lalu na yaong may mga karamdaman at matatanda na huwag nang sumama sa prusisyon upang maiwasan ang mga ganitong insidente.
“Lagi naman po kami nagpapaalala kung kayo ay may karamdaman, matatanda huwag na po sumiksik lalu na po sa dami ng tao kasi nga dahil delikado,” ayon kay Fr. Badong.
Tiniyak naman ng pari na magpapaabot ng tulong pinansyal ang simbahan sa nasawing deboto at personal na magtutungo sa burol para makiramay.
“Kami po ay nakikiramay at handa rin namang tumulong. Dadalawin din po siya ni Msgr. Coronel kung saan siya nakaburol,” ayon pa kay Fr. Badong.
Sa tala ng Quiapo Command Center higit sa 1,000 katao ang naitala sa medical reports kung saan kalimitan ay dahil sa hirap sa paghinga, hypertensions at mga sugat sa paa.