194 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Quiapo Church o kilala rin bilang Minor Basilica of the Black Nazarene na magkakaroon pa rin ng mga pagbabago sa pagsasagawa ng prusisyon para sa kapistahan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa susunod na taon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo mas pag-iibayuhin pa ang kaayusan at pag-iingat sa prusisyon dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga deboto na nakikiisa sa pista.
“Magkakaroon definitely ‘yan kasi nga ini-expect natin nga ang pagdami ng tao. Yung mga prayer stations mananatili yan dahil malaki ang naitulong,” ayon kay Fr. Badong.
Una na ring nagpahayag ng pakikiramay ang pamunuan ng Quiapo sa kaisa-isang naitalang nasawi sa kapistahan ng Traslacion dahil na rin sa karamdaman at tiniyak ang pagtulong sa naulila nito.
“Yun po talagang makiki-usap at makiki-usap lang kami na huwag na silang magpumilit. Kaya lang ang iba ay may panata,” paliwanag ni Fr. Badong.
Ngayong taon unang isinagawa ang paglalagay ng 12 prayer stations na ang layunin ay mapag-ibayo ang pananampalataya ng mga deboto dahil na rin sa sama-samang pagdarasal habang hinihintay ang pagdaan ng prusisyon.
Bukod sa pagdarasal, bawat prayer station din ay may nakatalagang pari, kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Maynila, pulis, medical volunteers at green brigade.
Kalat sa prusisyon.
Sinisikap ng clean brigade na agad na malinis ang rutang dinaanan ng prusisyon.
Ayon kay Fr. Badong, bagama’t maraming ng basura ay mabilis itong nalilinis ng mga volunteers ang kalye at agad na ibinubukas sa trapiko.
Sinabi pa ng pari, ito ay nasinop na sa isang lugar para hakutin.
“Pagkaalis na pagkaalis sa ruta ay nalilinis naman po. Sadyang nagdagdag po talaga ng tao ngayon kaya overwhelming din ang dagdag na basura pero pinagsumikapan naman na malinis agad. Nahakot naman ng maaga. Bagama’t may tambak nasikap naman po na maalis ito ng maaga,” paliwanag ni Fr. Badong.
Noong 2017 sa inilabas na tala ng Quiapo, may 18 milyong deboto ang nakiisa sa pagdiriwang. Sakop ng bilang ang 3 araw na programa sa loob at labas ng simbahan na isinasagawa bago ang pista at sa araw ng kapistahan.
“Maraming salamat po lahat ng mga deboto na nakiisa at tumulong. At nawa ay sa susunod na taon ay mas palalimin po natin ang ating pagdedebosyon at matuto tayong sumunod at makinig. Kasi yun naman po ang halimbawa ng Poong Nazareno siya po ay isang masunuring anak sa kaniyang Ama at ganun din sana ang mangyari sa karamihan ng mga deboto,” ayon kay Fr. Badong.