192 total views
Isang banta para sa demokrasya ng bansa ang Quo Warranto case laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang inihayag ni Dean Jose Manuel “Chel” Diokno, Founding Dean ng De La Salle University College of Law, Chairperson of Free Legal Assistance Group (FLAG) at isa sa mga Convenors ng MANLABAN sa EJK Coalition kaugnay sa nakatakdang pagdidesisyon ng Supreme Court.
Ayon kay Dean Diokno, kung sakaling katigan ng Korte Suprema ang Quo Warranto laban kay Chief Justice Senero ay isang malaking banta ito para sa iba pang impeachable officials sapagkat kung kaya itong magawa sa Punong Mahistrado ay maari rin itong gawin sa ibang opisyal sa bansa.
“If the Quo Warranto is granted then it will become a dangerous preceded for all impeachable officials kasi this is my own personal assessment, yung Quo Warranto was never intended to be a substitute for impeachment and yet in this particular case makikita natin its exactly the same grounds that were use in the Quo Warranto as it is being use in the impeachment.Nakakatakot diyan ay kung magawa nila ito sa Chief Justice papaano pa kaya yung ibang mga impeachable officials puwede din nilang sampahan ng Quo Warranto…” pahayag ni Diokno sa panayam sa Radyo Veritas.
Kabilang sa impeachable officials sa bansa ay ang Pangulo ng Pilipinas, Vice President, Justices ng Supreme Court at mga members ng Constitutional Commissions kabilang ng Commission on Elections, Civil Service Commission, Commission on Audit at Ombudsman.
Ang quo warranto ay isang aksyon o reklamo na maaaring isampa sa isang opisyal ng gobyerno kung hindi ito kuwalipikado sa posisyon na kanyang inuupuan kung saan maaaring maging basehan sa pagsasampa ng quo warranto ang hindi paghahain ng statement of assets, liabilities, and net worth (SALN).
Hindi basta-basta ang pagsasampa ng kaso na ito kung saan maaari itong dalhin sa Office of the Solicitor General upang mapag-aralan na siya ring maaring magsampa ng quo warranto laban sa opisyal na hindi kuwalipikado sa posisyon.
Kaugnay nga nito kasabay ng nakatakdang paglalabas ng desisyon ng Korte Suprema sa Quo Warranto Case laban kay Chief Justice Sereno ay magsasagawa ng Jericho March for Justice ang ilang mga grupo at opisyal ng Simbahang Katolika upang ipapanawagan ang paninindigan ng mga hukom sa katarungan at katotohanan.