524 total views
Kinundena ng Freedom from Debt Coalition (FDC) ang Republic Act No.11659 na nag-amyenda sa Public Service Act (PSA).
Sa paglagda ng Pangulong Rodrigo Duterte sa batas ay maari ng magmay-ari ng 100% ang mga banyagang negosyante nang mga telecommunications, Airlines at Railways companies sa Pilipinas.
Ayon kay FDC Vice-President Elijah San Fernando, nakakadismaya ang hakbang dahil mas binigyang prayoridad ito sa halip na unahin ang pagtulong sa lokal na sektor ng ekonomiya.
Sinabi ng FDC na ipinapakita sa batas ang pagpapahintulot na alipinin ang mga Pilipinong manggagawa kapalit ng kakaunting kaginhawaan.
“Ito ang legasiyang iiwan ni Duterte bago siya umalis sa Malacañang – ang higit na pagpapakatuta sa dayuhang kapital habang naghihirap ang mamamayang Pilipino. Sa halip na gumawa ng mga kapamaraanan para palakasin ang mga lokal na industriya, ibinuyangyang ng gobyerno ang mga kritikal na industriya sa kontrol ng mga banyaga,”pahayag ni Fernando sa Radio Veritas.
Iminungkahi naman ng FDC na sa halip na unahin ang pagpasok ng mga banyagang industriya sa bansa ay dapat palakasin muna ang lokal na sektor ng ekonomiya upang mabigyan rin ng trabaho ang mga manggagawa.
Kasabay ito ng pagsawalang-bisa ng mga polisiyang ‘Neoliberal’ upang maibalik din sa pamahalaan at publiko ang mga malalaking industriya ng suplay sa kuryente, tubig at maging ng health care system.
Sinabi ni Fernando na dapat gamitin ng pamahalaan ang buwis para pondohan ang mga serbisyo publiko
Unang isinulong ang ‘Economy of Francesco’ ng mga kabataang lider mula sa ibat-ibang bansa upang itaguyod ang sistema ng ekonomiyang makatao, makakalikasan at tutulungan ang bawat isa tungo sa pag-unlad.