232 total views
Iginiit ni CBCP Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na tamang implementasyon sa Environmental Laws ang kinakailangan upang maibalik ang kaayusan ng kapaligiran sa Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Veritas sa kay Bishop David, sinabi ng Obispo na saludo ito sa mga mambabatas na lumikha ng Environmental Laws partikular na ang Republic Act No. 9003 na Ecological Solid Waste Management act of 2000.
Gayunman, nilinaw ni Bishop David na tulad ng ibang batas ang RA-9003 ay sa papel lamang maganda dahil hindi naman naipatutupad ng tama.
“Napakagaganda ng mga environmental laws dito sa ating bansa, but like most laws maganda lang sa papel, hindi talaga naiimplement. Kinikilala nga ng ibang mga bansa na the best environmental laws in the world ay ang Pilipinas daw.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Obispo, tulad din ng nasasaad sa RA 9003, kinakailangang sa bawat tahanan magmula ang pagsisinop ng mga basura, kabilang na ang pag-segregate, compost at recycle upang maging maayos din ang koleksyon ng basura ng lokal na pamahalaan.
Gayunman, kung simula pa lamang sa mga tahanan ay bagsak na ang mga Filipino sa pangangasiwa ay aasahan din na hindi na ito magiging maayos pagdating sa kolektor ng mga bsura.
“Tatlong prinsipyo lang naman, segregate, compose, recycle, parang ang dali-daling pakinggan pero para bang napaka hirap i-implement. In most of our households, talagang may malakas tayong tendency na paghalu-haluin natin ang lahat ng mga panapon natin, hindi naman lahat yan ay basura. Kasi basura concept is tapon, kapag ganyan ang mentalidad natin abay talagang dadami ang mga basura natin.” Dagdag pa ni Bishop David.
Giit pa ng Obispo kung maipatutupad lamang ng tama ng mga Local Government Units ang prosesong ito ng pagbabawas ng basura ay malaki ang matitipid na gastos ng LGUs sa waste management.
Sinabi ni Bishop David na kinakailangan itong higpitan dahil kung matigas ang ulo ng mga tao at hindi ito madaling mapasunod ay kinakailangang manindigan ang pamahalaan at maging mas matigas ang kanilang ulo pagdating sa impelementasyon.
“Kaya ang laki ng gastos ng mga LGUs sa waste management na pwede namang bumaba kung susundin lang talaga yung batas at yung pagsunod dun sa batas it has to beging with the households, e parating sinasabi nila, “matitigas po kasi yung mga ulo ng mga tao,” okay, matigas ang ulo ng mga tao pero dapat natigas din ang ulo ng tagapagpatupad ng batas.” pahayag ng Obispo.
Ayon kay Bishop David, nasa 20-porsiyento lamang ang dapat na nalilikhang basura o ang tinatawag na residual waste, kung nasusunod lamang ng mga tao ang composting at recycling, subalit dahil sa kapabayaan ay umaabot sa 90% hanggang 100% ang naitatapon at hindi na dumadaan ang mga basura sa tamang proseso na nasasaad sa Ecological Solid Waste Management act of 2000.