211 total views
Naniniwala si Rome Secretariat for Communications Prefect Msgr. Dario Edoardo Viganò na ang impluwensiya at kapangyarihan ng radyo ang makasusugpo sa laganap na fake news.
Sa isinagawang “Journalism in the age of Fake News. The frontier of radio ” seminar, sinabi ni Msgr. Vigano na malaki ang maitutulong ng radyo sa pagsupil ng mga maling balita dahil sa kredibilidad na napanatili nito sa loob ng mahabang panahon.
“Radio is a strategic key to ‘anti fake news’. It has strengthened its identity at all times and has kept its appeal intact both in terms of audience, advertising and economic investments,” ang bahagi pahayag ni Msgr. Viganò sa Radio Vaticana.
Kung ikukukmpara sa telebisyon, pahagayan at social media, inihayag ng pari na hindi nagbago ang pagkakalinlan ng radyo sa paghahatid ng mga impormasyong hitik sa katotohanan sa mga tagapakinig nito.
Sa Pilipinas, mababatid na inihain ni Senador Joel Villanueva ang Senate Bill No. 1492 or Anti-fake News Act of 2017 na may layuning pagmultahin ng 100-libong piso hanggang 5 milyong piso at papatawan ng parusang isa hanggang limang taong pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng mga balitang walang batayan na nagdudulot ng kalituhan sa tao.
Una nang kinondena ng mga Obispo ang paglaganap ng fake news kasabay ng paghikayat sa mga mananampalataya na ipagtanggol ang katotohanan laban sa mga maling impormasyon.