21,928 total views
Tungkulin ng simbahan na tulungan ang mga nangangailangan.
Ito ang tiniyak ni Father Uldarico Dioquino – Attached Priest ng Diocesan Shrine and Parish of Saint Therese of the Child Jesus, Marikina city.
Kasama ang Radio Veritas, isinagawa sa dambana ang gift-giving sa mga mahihirap na pamilya na nasasakupan ng parokya.
Sa gift giving, inihayag ni Fr. Dioguino na inatasan ng panginoon ang bawat isa na maging daluyan ng pagmamahal sa kapwa.
“Ang sabi po ng Santo Papa, tayo ay magmahal sa ating kapwa tao, lalo na sa mga taong nangangailangan at kapag tayo po ay tumulong sa mga nangangailangan ay tinutulungan po natin ang Panginoong Hesus, ang ating sarili at ang kapwa. So tatlo po ang nakikinabang kapag tumutulong tayo, Panginoon, kapwa po natin at sarili po natin,” pahayag ni Father Dioquino sa Radio Veritas.
Inaayayahan ng Pari ang mga nangangailangan na kailanman ay huwag mahihiyang lumapit sa simbahan dahil mananatili itong bukas upang kalingain ang mga mahihirap.
Sa tala, sa Diocesan Shrine and Parish of Saint Therese of the Child Jesus at Immaculate Conception Parish sa Marikina City na parehong nasasakupan ng Diocese of Antipolo, umabot sa 80-mahihirap na mamamayan at street dwellers ang napamahagian ng suplay ng pagkain bilang paggunita sa World Day of the Poor at nalalapit na panahon ng kapaskuhan.
“Kami po ay tumutulong sa mga nangangailangan, sa abot ng aming makakaya kasama kayo po na katuwang namin, yung mga kapatid natin diyan na nangangailangan, wag kayong mahihiyang lumapit sa amin sa simbahan, at ang Caritas Manila at ang Radio Veritas ay handa po kayong tulungan sa abot ng amin pong makakakayanan, bukas po ang Caritas Manila, Radio Veritas at ang simbahan para po sa inyo na tumulong.”paglilinaw ni Fr. Dioquino
Patuloy naman ang paghahanda ng ibat-ibang diyosesis sa paggunita ng ikapitong World Day of the Poor sa Linggo, November 19 upang ilaan ang mga programa at inisyatibong magtataas sa kalidad ng pamumuhay ng mga mahihirap.