3,335 total views
Inaanyayahan ni Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual ang mananampalataya sa Grand Marian Exhibit ng himpilan.
Ayon sa pari ito ay magandang pagkakataon upang higit na mapagtibay ang pananampalataya ng mga Pilipinong tinaguriang Pueblo Amante de Maria o bayang namimintuho sa Mahal na Birhen.
“Mga Kapanalig kayo po’y aming inaanyayahan ngayong Oktubre sa Grand Marian Exhibit, ito ay napakagandang pilgrimage lalo ngayong ipinagdiriwang natin ang Holy Rosary Month. Patuloy nating pagnilayan ang buhay ni Hesus sa tulong at gabay ng Mahal na Ina, ang kauna-unahang tumugon sa kalooban ng Diyos para sa ikaliligtas ng sanlibutan,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Sa pangunguna ni Renee Jose ng religious department itatampok sa exhibit ang humigit kumulang 100 mga imahe ng Mahal na Birhen mula October 1 hanggang 20 sa Fisher Mall sa Malabon City.
Aniya ito ang isa sa gawain ng himpilan sa pagpapalaganap ng ebanghelisasyon at debosyon ng Mahal na Birheng Maria lalo’t ang Oktubre ay ginugunita sa bansa ang Santo Rosaryo.
“Iniimbitahan namin ang lahat na bisitahin ang ating Marian exhibit na isa sa effort ng Radio Veritas sa evangelization kung saan maaring magdasal ng Holy Rosary habang tutunghayan ang iba’t ibang pilgrim images,” ayon kay Jose.
Pinangunahan ni Fr. Vhong Turingan ang pagbasbas at pagbukas ng grand marian exhibit kasama ang mga kinatawan ng Fisher Mall Malabon.
Pinasalamatan ng Radio Veritas ang pamunuan ng Fisher Mall sa ibinigay na pagkakataong maging katuwang sa pagmimisyon ng himpilan sa pamamagitan ng grand Marian exhibit.
Para sa mass intentions and offerings makipag-ugnayan lamang sa mga kawani ng himpilan na nakatalaga sa exhibit o makipag-ugnayan sa 8925 – 7931 hanggang 39 local 129, 131 at 137 o mag-text sa 0917 – 631 – 4589.