191 total views
Ipinaalala ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle na bagamat patuloy at mabilis na nagbabago ang paraan ng komunikasyon ay hindi naman nagbabago ang misyon ng Radyo Veritas.
Sa mensahe ng Cardinal sa ikalawang araw ng pagdiriwang ng ika-50 Anibersaryo ng Radio Veritas Asia at Radio Veritas 846 na ginanap sa Veritas Asia Compound Fairview Quezon City, sinabi nito na maraming suliranin sa paraan ng komunikasyon at malimit na naaapektuhan nito ay ang pamilya at ang lipunan.
Gayunman iginiit ni Cardinal Tagle na sa kabila ng anumang pamamaraan ay mahalaga na pangunahan ng simbahan at impluwensyahan nito ang media upang maitaguyod ang totoong komunikasyon na naka-ugat sa pag-ibig at katarungan.
“Every year the technology gets obsolete because something new is discovered, but the mission remains, how do we communicate truth, the truth of Jesus Christ… I want to say that whatever the means may be for Radyo Veritas, our mission is to promote true communication, no matter what the means, true communication that creates a true communicative society, a society that is based on truth, justice and love.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Nilinaw naman nito na bagamat mahalaga ang teknolohiya sa komunikasyon ay nananatili namang pinaka-mabisang paraan ay ang personal na pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Ayon kay Cardinal Tagle, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao ay nararanasan ang Panginoon at naihahatid sa bawat isa ang katotohanan, pag-ibig at katarungan na mensahe ng Diyos.
“Let us go back to the basics, human interaction, and human communication, we may have the most sophisticated means and not deal with each other in a humane manner. So as we look forward to the surprises of God for Veritas, what remains is communication, human encounter, encounter with God who is truth, justice and love.” Dagdag pa ng Cardinal.
Matatandaang ika-11 ng Abril 1969, sumahimpapawid sa kauna-unahang pagkakataon ang Radio Veritas sa Pilipinas.
Nakilala naman ang himpilan dahil sa natatanging ambag nito sa pagpapahayag ng katotohanan noong panahon ng Edsa People Power Bloodless Revolution taong 1986 kung saan ginagawaran ito ng Ramon Magsaysay Award.