398 total views
Ilulunsad ng Radio Veritas at Caritas Manila ang Caritas OPLAN Damayan Telethon, bukas araw ng Miyerkules para mga biktima ng super Typhoon Rolly.
Hinihikayat ang mga Kapanalig at mananampalataya na makibahagi sa pagtulong sa mga residente mula sa Bicol region at ilang lalawigan sa Luzon na labis na napinsala ng nagdaang bagyo.
Tema ng telethon ang ‘Thriving in Crisis thru Faith and Charity,’ na magsisimula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Sa pinakahuling ulat, may 400-libo katao ang lumikas at nanatili sa mga evacuation centers habang naitala naman sa 20-katao ang nasawi dulot ng bagyo.
Bilang inisyal na tulong ay naglaan na ng isang milyong piso ang Caritas Manila para sa mga diyosesis na labis na napinsala ng super typhoon o tig-200 libong piso para sa archdiocese ng Caceres, mga diyosesis ng Daet, Virac, Legazpi at Gumaca.
Una na ring nanawagan ng panalangin at tulong ang Caritas Manila para sa mga higit na nasalanta ng bagyong Rolly.
Sa mga nais na makipag-ugnayan sa live broadcast sa Radyo Veritas, maaring tumawag sa 8925-7931 hanggang 39 o mag text sa 0918-837-4827
Sa kasagsagan ng bagyong Rolly ay naging bukas bilang mga evacuation center ang mga simbahan upang maging pansamantalang kanlungan ng mga lumikas na residente.
https://www.veritas846.ph/caritas-manila-nanawagan-ng-tulong-para-sa-mga-biktima-ng-super-typhoon-rolly/