389 total views
Pinuri ng Archdiocese of Manila ang pagsisilbi ng Radio Veritas 846 bilang Radyo ng Simbahan sa loob ng 52-taon lalo na sa gitna ng pandemya kung saan higit na kinakailangan ng Simbahan ng katuwang sa pagbabahagi ng Mabuting Balita ng Panginoon.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, mahalaga ang papel na ginagampanan ng himpilan upang makapagpalakas ng loob ng marami sa pamamagitan ng pagiging daluyan ng pag-asa na hatid ng Panginoon para sa lahat.
Paliwanag ng Obispo, sa pagsasahimpapawid ng Mabuting Balita ng Panginoon gamit ang iba’t ibang mga programa at banal na misa ay hindi lamang nakapaglilingkod ang Radio Veritas sa bayan kundi maging sa Diyos bilang katuwang ng Simbahan sa pagbabahagi ng Ebanghelyo sa mas nakararami.
“tayo ngayon ay nasa 52nd anniversary na ng Radio Veritas, malaki po ang paglilingkod ng Radio Veritas lalong lalo na ngayong panahon ng pandemic. Marami po ay nakakatanggap ng Mabuting Balita, marami po ay napapalakas ang kanilang loob at marami po ay napapalapit din sa mga ngangangailang, marami po tayong natutulungan sa pamamagitan ng Radio Veritas kaya congratulations Radio Veritas sana ay ipagpatuloy ang paglilingkod, paglilingkod sa bayan at paglilingkod sa Diyos.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Broderick Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Umaasa naman ang Obispo sa patuloy na paglilingkod ng Radio Veritas bilang Radio ng Simbahan at daluyan ng katotohanan na hatid ng Panginoon para sa bawat isa. Hinihikayat naman ni Bishop Pabillo ang bawat mananampalataya na patuloy na subaybayan at suportahan ang mga programa at misyon ng himpilan para sa paghahayag ng katotohanan at mga turo ng Simbahan.
“Patuloy sana ang Radio Veritas sa kanyang paglilingkod at patuloy din nating subaybayan, pakinggan at suportahan ang Radio Veritas ito po’y Radyo ng Simbahan kaya ang Simbahan naman talaga ang susuporta sa kanyang mga programa kaya patuloy po tayong palaganapin po natin itong ating radyo para makatulong tayo sa isa’t isa.” Apela ni Bishop Pabillo.