25,949 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas 846 ang mananampalataya sa isasagawang Lenten Exhibit katuwang ang Fisher Mall sa Quezon City.
Ayon kay Renee Jose, ang tagapangasiwa ng Religious Departmen, ito ang pamamaraan ng himpilan upang makilakbay sa kristiyanong pamayanan sa pagninilay lalo na sa pagpapakasakit, pagkamatay at higit sa lahat sa muling pagkabuhay ni Hesus.
“We will join our Kapanaligs on this Paschal Triduum to reflect on the life of Jesus and deepen our faith through this Lenten Exhibit,” pahayag ni Jose sa Radio Veritas.
Tampok sa exhibit ang humigit kumulang 100 imahe ng Panginoong Hesus at Mahal na Birheng Maria na may kaugnayan sa mga Mahal na Araw.
Sinabi ni Jose na ito ay magandang pagkakataon na muling ipaalala sa mananampalataya ang kahalagahan ng pagiging handa ng sarili sa pagpapakasakit, pagkamatay lalo na ang pinakatampok sa pananampalatayang kristiyano na muling Pagkabuhay ni Hesukristo.
Maaring magsagawa ng lenten pilgrimage ang mga dadalaw sa exhibit sa Entertainment Center ng Fisher Mall kung saan mayroong ‘Stations of the Cross.’
Bubuksan ang exhibit sa March 19 sa ikaapat ng hapon na pangungunahan ni Radio Veritas Vice President Fr. Roy Bellen kasama ang mga kinatawan ng establisimiyento at magtatagal ito hanggang March 31, Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Bukas sa publiko ang exhibit mula alas 10 ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi kung saan maari ring mag-alay ng panalangin na isasama sa mga misa ng Radio Veritas sa alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali, alas sais ng gabi at alas dose ng hatinggabi.
“Pilgrims to the exhibit can write their prayer intentions and become Eucharistic Advocates, which will be included in our daily healing masses,” ani Jose.
Para sa karagdagang detalye makipag-ugnayan kay Jose sa telepono (02) 8925-7931 to 39 local 129, 131, 137 o mag-text sa 0917-631-4589.