2,400 total views
Nagsama ang Radyo Veritas Manila, at Radyo Veritas Legazpi sa paghahatid ng kaganapan sa patuloy na banta ng pagsabog ng bulkang Mayon.
Sa Programang Barangay Simbayanan, nagbigay ng ulat si Father Paulo Barandon, Station Manager ng Radio Veritas Legazpi kaugnay sa aktibidad ng bulkang Mayon at mga pangunahing pangangailangan ng kanilang Diyosesis sa mga nagsilikas na residente.
Nilinaw ng Pari na sa kasalukuyan ay mga tirang supplies na lamang mula noong 2017 ang naibibigay ng Local Government Units sa lalawigan ng Albay sa mga residenteng nagsilikas, dahil wala pa ring dumarating na tulong mula sa National Government.
“Ang pinoproblema masyado ngayon ay of course yung inuming tubig, mga food items saka non-food items, tulad ng mga matutulugan nila, yung mosquito nets, ito ang ibinibigay ngayon ng Social Action Center ng Diocese of Legazpi, pero yung mga food items medyo nahihirapan tayo kasi nga po halos ang nagagamit lang ngayon ng mga LGUs ay ayung natipid nila last year, wala pang budget, hindi pa dumadating yung pera ng mga local government units.” pahayag ni Father Barandon sa Radyo Veritas 846.
Bukod dito, sinabi ni Father Barandon na pinaka kinakailangan din ng mga evacuees sa kasalukuyan ang mga face mask upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan laban sa mga health risk na dala ng volcanic gas at abo na mula sa bulkang mayon.
“Ang observation, yung mga facemask natin dito ay nagmahal, kaya kami sa Radyo Veritas Legazpi noong isang araw ay namahagi ng 4,000 pieces of face mask doon sa 3rd district at ito din ang isa sa hinihingi naming at direkta na naming ibinibigay sa mga kababayan natin pero according to our health officials kahit hindi na facemask ang gamitin, itong mga basang tela mas mainam daw na gamitin kung walang facemask,” dagdag pa ni Father Barandon.
Sa huling tala ng Social Action Center ng Diocese of Legazpi, umakyat na sa 60-libo ang dami ng mga nagsilikas na residente matapos umabot sa 9kilometro ang idineklarang danger zone ng Phivolcs dahil sa kasalukuyan ay nasa Alert Level 4 na ang kondisyon ng bulkang Mayon.