2,494 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas ang mananampalataya sa Marian Exhibit bilang paghahanda sa kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria sa September 8.
Ayon kay Religious Department head Renee Jose, layunin ng exhibit na mas maipalaganap ang debosyon ng Birheng Maria sa pamayanan.
“This Marian exhibit aims to spread the devotion of the Blessed Virgin Mary and is part of our evangelization efforts, especially since the venue is inside the mall where mallgoers can visit and have time to know more about our Mother,” pahayag ni Jose sa Radio Veritas.
Bubuksan ang Marian exhibit sa August 30 ganap na alas- 10 ng umaga sa activity center ng Fisher Mall sa Quezon City.
Pangungunahan ni Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual ang pagbabasbas at opsiyal na pagbukas ng exhibit na magtatagal hanggang September 8 sa Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.
Ibinahagi ni Jose na humigit kumulang sa 70 imahe ng Mahal na Birhen ang itatampok sa exhibit kabilang na ang Our Lady of Veritas.
Ang exhibit ay sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng Fisher Mall at pakikiisa sa kristiyanong pamayanan sa paggunita ng kapanganakan ng Mahal na Ina.
Sa mga nais magpaabot ng kanilang love offerings at mass donations sa exhibit maipag-ugnayan kay Jose sa cellphone number 0917-6314589.
Ang Pilipinas ay tinaguriang Pueblo Amante de Maria o bayang namimintuho sa Mahal na Birhen kung saan pinararangalan ng mga Pilipino ang babaeng nagluwal kay Hesus ang manunubos.