493 total views
Nagpasalamat ang Radio Veritas 846 sa mga patuloy sumusuporta sa araw-araw na pagdiriwang ng banal na misa sa Veritas chapel.
Ayon kay Charice Renee Jose, head ng Religious Department ng himpilan, umaabot na sa 2, 000 ang mga spiritual frontliners na katuwang sa pananalangin sa mga kahilingan ng tagasubaybay ng Radio Veritas at maging sa kahilingan ng mga medical at service frontliners na humaharap sa banta corona virus.
“Nakakatuwang i-announce na mayroon na tayong 2, 000 spiritual frontliners kaya’t tayo po ay nagpapasalamat ng buong puso dahil sa pagtangkilik ng mga Kapanalig natin sa ating banal na misa,” pahayag ni Jose sa panayam ng Radio Veritas.
Bilang pagkilala sa mga spiritual frontliner mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas, nagsimula nang ipamahagi ng Radio Veritas 846 ang mga spiritual frontliners certificate na nilagdaan ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo.
Patuloy na hinihimok ni Jose ang mananampalataya na maging spiritual frontliners sa gitna ng laban kontra pandemya at paigtingin ang pananalangin na mabisang sandata sa anumang hamong kinakaharap ng bawat tao.
Isa sa napagkalooban ng certificate at kinilala sa pagiging spiritual frontliner ang batikang komedyante at aktres na si Nova Villa.
Buo ang suporta ng aktres sa programa ng Radio Veritas partikular ang banal na misa simula nang palakasin ang online at on-air masses bunsod ng pagsasara ng mga simbahan dahil sa limitasyong dulot ng community quarantine.
Tiniyak ni Jose na palawakin pa ng Radio Veritas ang paghahatid ng serbisyong espiritwal lalo na sa nalalapit na paggunita ng todos los santos at paggunita sa mga yumaong mahal sa buhay matapos ipag-utos ng pamahalaan ang pagsasara ng mga sementeryo.
Dahil sarado ang mga sementeryo at limitado rin ang bilang ng mga makadadalo sa mga misa, inihayag ni Jose na tumatanggap ang himpilan ng mga mass intentions para sa yumaong mahal sa buhay at hinikayat ang mananampalataya na makiisa sa novena para sa kaluluwa.
“Mayroon tayong novena simula November 1 to 9 para sa poor souls in purgatory, kung nais po ninyong mag-join and of course offer your prayer for the specific intentions for the souls tayo ay tumatanggap din ng kanilang pamisa at mass intentions,” dagdag ni Jose.
Sa mga nais maging bahagi sa spiritual frontliners at mag-alay ng kanilang mga mass intentions ay maaring tumawag sa 8925-7931 local 129 o mag-text sa 0917-631-4589 hanapin lamang si Renee Jose, Homer Viray at Jeffry Austria.
Tiniyak ng religious department ng Kapanalig na himpilan na tuloy-tuloy ang pananalangin para sa kapakinabangan ng bawat mamamayang nahaharap sa banta ng COVID-19 pandemic.