367 total views
Umaasa ang pangulo ng Radio Veritas 846 na sa gitna ng panahon ng pandemya ay makapagdulot ng bagong sigla ng paglilingkod sa kapwa at pagbabahagi ng Ebanghelyo ang paggunita sa ika-52 anibersaryo ng himpilan kasabay ng paggunita sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual – pangulo ng Radio Veritas 846, nawa ay makapaghatid ng bagong pag-asa at sigla ang pagdiriwang ng anibersaryo ng himpilan para sa patuloy na paglilingkod sa at pagmamalasakit sa kapwa lalo na sa mga biktima ng malawakang krisis na COVID-19.
“Sa ika 52 taong anibersaryo ng Radio Veritas muli ang pasasalamat sa gabay at biyaya ng Diyos. Tunay na totoo ang Panginoon na muling nabuhay para tayo ay magkabuhay na ganap at kasiya-siya. Sa harap ng pandemya, ang ating anibersaryo ay magdulot nawa ng bagong sigla sa paglilingkod at pagpapahayag ng katotohanan na magkakaloob ng pag-asa sa mga tao, mag-udyok na patuloy na maglingkod, makidama at magmalasakit sa kapwa lalo na mga biktima ng COVID-19.” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Anton CT Pascual – pangulo ng Radio Veritas 846.
Paliwanag ng Pari sa gitna ng kasalukuyang panahon ng pandemya ay higit na mahalagang magkaroon ng gabay espiritwal ang bawat isa kasabay ng pakikinig sa mga totoo at makabuluhang mga balita na mapagkukunan rin ng pag-asa ng bawat isa.
Giit ni Fr. Pascual, bagamat mahalaga ang gabay ng syensya upang ganap na matugunan ang krisis na dulot ng nakahahawa at nakamamatay na sakit na COVID-19, hindi naman maitatanggi ang pag-asa, katatagan at tapang na nakukuha ng bawat isa mula sa Mabuting Salita ng Diyos na misyon ng himpilan na higit pang maipalaganap sa mas nakararami.
“Ang Simbayanan ang tinig ng Diyos sa panahong ito na mahalagang makinig tayo sa toong balita, gabay ng syensya at mga tamang tugon sa pag-ahon natin sa crisis na ito ng kalusugan at kabuhayan. Hindi tayo pababayaan ng Panginoon.” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Nagpaabot rin ng labis na pasasalamat ang Pari sa mga tagapakinig at mga loyal Kapanalig members ng himpilan ng Radyo Veritas 846 na patuloy na tinatangkilik ang mga programa at misyon ng himpilan na maging daluyan ng Mabuting Salita ng Diyos para sa sangkatauhan.
Tiniyak rin ni Fr. Pascual ang patuloy na paninindigan ng Radyo ng Simbahan bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng katotohanan, kaalaman at pagmamalasakit sa kapwa hindi lamang sa pamamagitan ng himpilan o ng radyo kundi maging sa iba pang uri ng mass communications medium tulad ng social media.