7,589 total views
Hinikayat ni Taytay Palawan Broderick Pabillo ang publiko na makiisa at tumulong sa pagpapagawa ng katedral ng Taytay na lalu pang napinsala dahil sa sunog at magkakasunod na bagyo.
Ayon kay Bishop Pabillo, ilang mga fund raising activities din ang isinagawa sa bikaryato para pondohan ang pagsasaayos ng simbahan.
Inilunsad din ng bikaryato ang Raffle draw to visit Palawan na ang layunin ay maipakita ang kagandahan ng Palawan at pagtulong sa pagpapagawa ng simbahan.
“We would need about P80 million, para matapos. Hindi kaya ‘yan ng taga-Palawan.” ayon kay Bishop Pabillo sa programang Pastoral visit on-the-air.
Si Bishop Pabillo ay ang dating auxiliary bishop at administrator ng Archdiocese of Manila na itinalagang pamunuan ang Taytay Palawan noong 2021.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na dinatnan niya ang katedral na ‘under construction’ na sinimulang itinayo noong 2009.
Ayon sa obispo, tinatayang aabot sa 80 milyong piso ang kakailanganging pondo upang matapos ang pagsasaayos ng Saint Joseph the Worker Cathedral.
Gaganapin ang Raffle draw sa December 15, 2023 na ang pangunahing mapapanalunan ay ang ‘Trip to Palawan 2024’ para sa dalawang tao para sa 4 days 3 nights stay sa Palawan.
“Dalawang bagay ang gusto naming gawin, una i-promote ang Palawan na maganda ang Palawan…pangalawa siyempre, they will be able to help us to build our cathedral. Sana po ay matulungan ninyo kami.” ayon sa obispo.
Kabilang sa mga lugar na pupuntahan ang El Nido, San Vicente at Puerto Princesa.
Inaasahang sa mga susunod na araw ay magsisilbing ticket outlet ang Radio Veritas at TV Maria.