380 total views
Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magsisimula nang maramdaman ang epekto ng southwest monsoon o hanging habagat ngayong huling araw ng Mayo o sa kalagitnaan ng Hunyo.
Ang panahon ng habagat ay magdadala ng mainit at mahalumigmig na panahon, madalas na malalakas na pag-uulan at paghanging nagmumula sa kanlurang bahagi.
Mararanasan dito ang mga pag-uulan sa malaking bahagi ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas na magdudulot ng mga pagbaha lalo na sa mabababang lugar, gayundin ang iba’t ibang sakunang lalong umiigting kapag sinabayan pa ng mga bagyo.
Kaya paalala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na palaging maging handa sa mga posibleng maganap ngayong tag-ulan at manatiling nakaantabay sa mga anunsyo na maaaring makita at marinig sa telebisyon, radyo at social media.
Batay sa tala ng Global Climate Risk Index, simula 2000 hanggang 2019, naitala ang Pilipinas bilang pang-apat mula sa sampung mga bansang nakakaranas ng iba’t ibang pinsalang dulot ng matinding sakuna.
Matatagpuan ang Pilipinas sa tinatawag na Pacific Typhoon Belt, kaya nararanasan sa bansa taun-taon ang aabot sa 20 o higit pang bagyong pumapasok sa Philippine Area of Responsibility.
Patuloy namang panawagan ng Simbahan ang pangangalaga sa kalikasan at ang pananalangin upang ipag-adya ang bansa mula sa anumang kalamidad at sakuna.