470 total views
Hanggang ngayon, marami pa rin ang nabibigla at at hindi makapaniwala sa napakababang reading comprehension scores ng ating mga estudyante na kasama sa Program for International Student Assessment o PISA.
Ayon nga sa resulta ng PISA noong December 2019, ang ating bansa ang may pinaka-mababang score sa reading comprehension sa 79 na bansa. Base sa resulta na ito, 80% ng mga estudyante ng bansa na may edad 15 years old ay hindi man lamang naka-abot ng minimum level ng kasanayan o proficiency sa pagbabasa. Kapanalig, maraming mga eksperto ang nagsasabi na ang deterioration na ito ay makikita na rin sa ating mga national achievement tests na pababa na rin ng pababa ang mga resulta.
Ano ba ang nangyayari, kapanalig, sa ating sistema ng edukasyon at umabot sa ganitong kababa ang ating reading comprehension?
Maraming isyung kinahaharap ang education sector ng ating bayan na maaring nakapag-ambag sa pagbagsak ng ating reading comprehension scores. Isa dito ay ang pagta-transition pa lamang ng bansa sa K12. Ang mga pagbabago at benepisyong dala nito ay hindi agarang nararamdaman ng bayan.
Ayon din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang mga iba-ibang tungkulin ng mga guro ay may implikasyon din sa kalidad ng edukasyon. Mayroon silang regular full-time teaching load, meron din silang mga administrative tasks. Ang mga admin tasks na ito ay maaring naging mas madami pa ngayon dahil sa blended nature ng pag-aaral ngayong panahon ng pandemya. Dagdag pa dito ang mga hamon ng teknolohiya.
Ayon pa sa PIDS, kailangan din ng maayos na sistema ng training upang mapunan ang mga gaps o kakulangan sa kasanayan at kakayahan. Maraming training ang bukas para sa mga guro, ngunit kailangan may sistema ng pagpili nito upang sapat sa tunay na pangangailangan ng mga guro, at hindi magdudulot ng distraction o pag-gambala sa panahon na dapat nagtuturo sila sa mga bata. Importante ang training, pero dapat ito ay laging planado, limitado, at strategic o madiskarte.
Ilan lamang ito sa mga maaring salik ng mababang kalidad ng reading comprehension ng ating mga estudyante ngayon. Kailangan silang matugunan sa mabilis na paraan upang umangat naman ang kakayahan ng ating mga guro at mga mag-aaral. Ang investment natin sa kalidad ng edukasyon ay investment para sa kinabukasan ng bayan. Ayon nga sa Octogesima Adveniens, dadami pa ang mamumuhay ng miserable sa hinaharap kung walang matino at epektibong pamumuhunan at polisiya sa produksyon, pangangalakal, at (lalo na) sa edukasyon.