15,684 total views
Muling idadaos ng Economy of Francesco (EOF) Global Movement ang reading marathon para sa kapayapaan sa March 29, 2024.
Inaanyayahan sa ‘EOF Reading Marathon for Peace’ ang mga kabataan, ekonomista at maging payak na mamamayan na tunghayan ang pagbabasa ng mga literatura, pakikipagdiyalogo o talakayan na nakatuon sa pagsusulong ng kapayapaan.
Ayon sa EOF Organizers, layunin ng gawain na tuluyang maiwaksi sa lipunan ang mga digmaan, pananakop o iba pang uri ng karahasan na nararanasan sa ibat-ibang bahagi ng mundo na apekatado ang mga inosenteng indibidwal.
“Meetings, marches, story sharing, collective action. Reading marathons. Read and listen to our call for peace: between people, in the society we live in, between states. We need peace achieved by peaceful means: dialogue, understanding of the other’s perspectives, critical thinking, rejection of violence,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Economy of Francesco Movement sa Radio Veritas.
Hinimok din ng EOF Movement ang mga organizer mula sa ibat-ibang bansa na magdaos ng kaparehong gawain upang maiparating ang mensahe ng kapayapaan tungo sa pag-unlad ng ekonomiya at pamumuhay ng mga pinaka-nangangailangan.
Maaring matunghayan ang reading marathon sa ibat-ibang social media at online platforms ng EOF Movement kung saan maari ding lumahok ang mga nais magbahagi ng kanilang kwentong pang-kapayapaan sa pamamagitan ng pag sign-up sa official website ng Economy of Francesco.
Tagapangasiwa nito ang EOF Village for Peace na sangay ng organisasyon na nakatuon sa pagsusulong ng kapayapaan sa lipunan.
January 28, 2023 idinaos ang unang reading marathon na pinangasiwaan ng EOF Movement na iniaalay para sa mga kababaihan sa Afghanistan at Iran dahil sa paniniil ng pamahalaan sa kanilang karapatang makapag-aral