282 total views
Kapanalig, laging matunog ang rebolusyon ngayon. Kasabay nito, matunog pa rin ang kaso ng mga EJKs. Patayan at rebolusyon. Ano nga ba ang nangyayari sa ating bansa ngayon na tila sobrang “toxic” o nakalalason na at nakakasusulasok na ang atmospera? Tayo pa ba ay may pag-asang umunlad at magkaisa?
Sayang naman kapanalig, kung laging ganito. Sayang naman ang paghihirap ng mga tulad ni Andres Bonifacio, isang bayaning ating binibigyang pugay ngayon. Rebolusyon din kapanalig, ang panawagan ni Bonifacio noon, ngunit it ay hindi laban sa kapwa Pilipino. Ito ay laban sa mga dayuhang nagmamamalupit at kumikitil ng buhay at pangarap ng mga Filipino noon.
Kapanalig, hindi ba’t rebolusyon ng puso ang ating kailangan, upang tunay na mapag-isa na ang mga Filipino?
Unang una, bigyang habag natin ang maralita sa ating paligid. Siyam sa ating batayang sektor, kapanalig ay may poverty incidence na higit pa sa ating heneral na populasyon. Ang sektor ng magsasaka, mangingisda at bata ay 34.3%, 34%, at 31% ang poverty incidence. Ang self-employed at mga kababaihan, nasa 29.8% at 25.5%. Ang poverty incidence sa ating bayan, kapanalig, nasa 21.6%.
Pangalawa, kapanalig, sa gitna ng kahirapan na ito ay ang isyu ng divisiveness o pagkawatak watak ng Filipino. Tila walang uniting factor o makakapag-isang salik sa ating bayan ngayon. Ang ating pag-galaw ay kalat, at ang ating paglalakbay ay balot ng galit, luha, o di kaya pamamanhid.
Ano na nga ba ang kahulugan ng pagiging Filipino ngayon? Ano ba ang pangarap ng Filipino ngayon? Sino ba ang mga bayani ng mga Filipino ngayon?
Kapanalig, ito ang mga tanong na dapat nating pagnilayan. Lalong lumalala ang ating pagkawatak watak. Tila ang boses ng karaniwang Pilipino ay nalulusaw sa samot-saring isyu ukol sa droga, kamatayan, at paghahangad ng sukdulang kapangyarihan. Tila bawat palit ng adminstrasyon, bumabangon tayo sa kawalan. Kailangan lagi na lamang yinuyurakan ang mga gobyernong nagdaan, at tatahak sa hinaharap na parang laging walang pinagmumulan. Partido at politiko kapatid, ang nagdidikta ng ating kinabukasan ng mga Filipino, at hindi ang mga Filipino mismo.
Suriin natin kapanalig, ang mga lider ng bayan ngayon, ang lider ng bawat distrito, munisipalidad, syudad, hanggang sa pinakamaliit na barangay. Sila ba ay matuturing mo na tunay na kampeon ng Filipino? Sila ba ay kumakatawan sa iyo at sa kabutihan ng pamilya at pamayanan mo? Gaya din ba sila ni Andres Bonifacio?
Isang munting paalala, kapanalig, mula sa Gadium et Spes, ngayong araw ni Bonifacio: Ang mga mamamayan ay dapat luminang ng mapagbigay at tapat na ispiritu ng pagkamakabayan. Ngunit, hindi dapat ito balot ng kakitiran ng utak, upang lagi nilang maiisip ang kabutihan ng balana.