473 total views
Mariing kinondena ng Greenpeace Southeast Asia ang mga reclamation sa West Philippine Sea na nagdudulot ng ecosystem degradation sa karagatan.
Ayon kay Vince Cinches – Oceans Campaigner ng grupo, bagama’t walang pinapanigan ang Greenpeace sa usapin ng pag-aagawan ng teritoryo ay mariin nitong kinokondena ang reclamation projects ng China na sumisira sa buhay sa ilalim ng karagatan.
“Ang Greenpeace po consistently together with our scientific community, mariin nating kinokondena ang lahat ng activities lalo na sa West Philippine Sea or any other parts of the Country na sumisira sa ating karagatan,” pahayag ni Cinches sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Cinches, nakapanlulumo ang bilyun-bilyong halaga ng mga coral reefs at iba pang marine life na nasisira dahil sa pagtatayo ng mga imprastraktura sa pinag-aagawang isla.
Dahil dito, iminungkahi ng Greenpeace na maglaan ng pondo ang dalawang bansa para sa environmental rehabilitation ng marine life sa West Philippine Sea.
“Yung various damage to our ecosystem including ecosystem services, meaning kung anu yung mga years na capacity na ibigay sa atin ng karagatan, ay billions and billions of dollars po yan, so nakapanlulumo, masakit sa ating puso na makita yung ating karagatan na nasisira so I think base sa desisyon ngayon, it’s important for both parties to start allocating funds to allow that area to be recovered from ecosystem degradation, I think that’s the most important thing ngayon, kase kung mag-aaway lang naman tayo sa teritoryo, wala na tayong pag-aawayan kasi kung sira na ang lugar wala na yang ibibigay sa atin,” dagdag pa ni Cinches.
Sa kasalukuyan pitong artificial Islands na ang itinayo ng China sa West Philippine Sea, kung saan ayon sa Department of Foreign Affairs ay umaabot na sa 300 hektarya ng coral reefs system ang napipinsala na nagkakahalaga ng 100 milyong dolyar.
Magugunitang sa inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague Netherlands, pumabor sa Pilipinas ang naging resulta ng isinampa nitong kaso laban sa China hinggil sa Maritime Entitlement ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.