33 total views
Ihahandog ng Radio Veritas 846 sa mananampalataya ang mga programang makatutulong sa pagninilay at huhubog sa pananampalataya lalo ngayong mga mahal na araw. Itatampok ng himpilan ang panayam sa mga pari at obispo na nakatuon sa pagdiriwang ng simbahang katolika sa Jubilee Year sa temang ‘Jubileo’y Alalahanin sa Misterio Pascual ng Poon Natin.’ Magsisimula ang special programming ng himpilan sa April 15, Martes Santo hanggang April 20, sa Paso ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon at anibersaryo ng pagkatatag ng himpilan.
Ilan sa mga magbibigay ng recollection on the air sina Cardinal Luis Antonio Tagle na katuwang ni Pope Francis sa pangangasiwa sa Dicastery for Evangelization partikular sa First Evangelization and New Particular Churches, Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David na kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, mga pari mula sa iba’t ibang diyosesis kabilang na ang mga priest anchors ng himpilan.
Sa Huwebes Santo ng alas sais hanggang alas nuwebe ng umaga mapakikinggan ang Chrism Mass mula sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral na magsisimula sa morning prayer na susundan ng pagbabasbas ng mga langis na ginagamit sa mga sakramento ng simbahan gayundin ang pagsasariwa ng pangako ng mga pari ng arkidiyosesis na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Sa alas singko ng hapon naman mapakikinggan ang pagdiriwang ng Paghahapunan ng Panginoon sa Manila Cathedral kung saan napapaloob din ang rito ng paghuhugas ng paa ng mga piling kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng pamayanan.
Sa alas siyete hanggang alas nuwebe ng gabi mapakikinggan ang Visita Iglesia on the Air tampok ang pitong jubilee churches ng ecclesiastical province of Manila.
Sa Biyernes Santo magkakaroon ng live coverage ang himpilan sa Siete Palabras sa ala dose hanggang alas tres ng hapon mula sa Sto. Domingo Church habang ang liturhiya naman ng Pagpapakasakit ng Panginoon sa alas tres hanggang alas singko ng hapon mula sa Minor Basilica ang National Shrine of Jesus Nazareno. Sa Sabado de Gloria mapakikinggan din as himpilan ang bihilya ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon sa alas otso ng gabi na magmumula sa Manila Catheral.
Sa April 20, Easter Sunday, pangungunahan ni Cardinal Advincula ang misa pasasalamat sa ika – 56 na anibersaryo ng himpilan sa ala una ng hapon na susundan ng anniversary special programming hanggang alas singko ng hapon at ang Urbi et Orbi ni Pope Francis. Inaanyaahan ang mga Kapanalig na makiisa sa pagninilay ngayong mga Mahal na Araw sa tulong ng mga programang inihanda ng himpilan na mapapanuod din sa Veritas TV sa Sky Cable 211, DZRV 846 Facebook Page at Veritas PH Youtube Channel.