8,350 total views
Umaasa si Tagbilaran Bishop Alberto Uy na mas umigting ang pagbubuklod ng kristiyanong pamayanan sa Bohol tungo sa iisang misyon na ipalaganap si Hesus sa lipunan.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng diyosesis ng ika – 83 anibersaryo ng pagkatatag.
Dalangin ni Bishop uy ang patuloy na pag-usbong ng komunidad na nagsasabuhay sa mga turo at aral ni Hesus lalo na ang pagmamalasakit at paglingap sa kapwa.
“As we celebrate this anniversary, let us recommit ourselves to the mission of Christ and to one another. May we continue to build a community that reflects the love and compassion of our Lord, living out our faith in synodality for the glory of God and the good of His people,” bahagi ng mensahe ni Bishop Uy.
Kinilala ng obispo ang pagtutulungan ng mananampalataya na isang testamento ng pag-ibig ng Diyos at paanyayang panibaguhin ang pangakong makiisa sa paglalakbay ng simbahang sinodal alinsunod sa paanyaya ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Batid ni Bishop Uy na malaking hamon sa bawat isa ang sama-samang paglalakbay bunsod na rin ng iba’t ibang karanasan ng kapwa subalit sa gabay ng Banal na Espiritu ay maisakatuparan ang mga hangaring pag-unlad ng simbahan.
“Synodality invites us to walk together, to listen to one another, and to discern the path that God is calling us to take. It challenges us to break down barriers and foster a spirit of collaboration among all members of our community. Let us embrace this call, allowing the Holy Spirit to guide us as we journey together in faith, hope, and love,” ani Bishop Uy.
Pinasalamatan ng obispo ang Panginoon sa paggabay sa kabila ng mga hamon ng trahedya at sakunang hinarap ng diyosesis lalo na ang 7.2 magnitude earthquake noong 2013 na puminsala sa mahigit 20 simbahan sa lalawigan at kumitil sa buhay ng mahigit 200 katao.
Gayundin kinilala ng pastol ang mga nagdaang obispo mula nang maitatag ang diyosesis noong November 8, 1941 tulad nina Cardinal Julio Rosales, Bishops Manuel Mascariñas, Onesimo Gordoncillo, Felix Zafra, Leopoldo Tumulak at Leonardo Medroso.
Sa kasalukuyan ang diyosesis ay binubuo ng mahigit 800, 000 katoliko o halos 80 porsyento sa kabuuang populasyon sa 58 mga parokya kung saan katuwang ni Bishop Uy sa pagpapastol ang halos 200 mga pari.