183 total views
Tahimik ang mga tahanan ngayong Biyernes Santo. Damang dama ng marami ang pagpako sa krus ng ating Mahal na Kristo dahil ang ating karanasan noong simula pa ng pandemya hanggang ngayon ay pumapako naman sa atin sa kahirapan. Tunay na Biyernes Santo ang pakiramdam ng marami.
Kapanalig, ayon sa Pacem in Terris, “The government should make similarly effective efforts to see that those who are able to work can find employment in keeping with their aptitudes, and that each worker receives a wage in keeping with the laws of justice and equity.”
Kaya lamang, record high ang unemployment rate sa ating bansa ngayon kapanalig. Base sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, dumami pa ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa gitna ng pandemya. 4.2 milyon na ngayon ang unemployed nitong Pebrero 2021 kumpara sa 4 milyon noong Enero 2021. At dahil sa lockdown, tataas pa ang bilang nito.
Nakakapanghinayang ito kapanalig. Nitong Enero, nadarama na sana natin ang dahan-dahang pagbubukas ng ekonomiya. Mas marami na ang nakakalabas at nakakapag-hanapbuhay. Ito na sana ang pagkakataon nating makabawi sa pagkalugmok ng ating ekonomiya nitong 2020. Hindi natin inakala na ang kapalit pala nito ay ang exponential increase ng COVID cases sa bansa.
Kaya nga’t may mga eksperto na nagsasabi na maari tayong makaranas ng double-dip recession. Ito ay sitwasyon kung saan ang recession ay susundan ng bahagyang recovery at kasunod naman ay isa pang recession. Kadalasan, pag nangyayari ito, mahabang panahon ng kawalan ng trabaho at mababang gross domestic product ang kinakaharap ng isang bansa.
Kapanalig, ang ating pag-angat mula sa kahirapan sa ngayon ay nakatali sa ating maayos na pagharap sa pandemya. Kung hindi natin mapipigilan ang pag-akyat ng COVID cases, hindi lamang dadami ng dadami ang mga naho-hospital at namamatay, nagkakaroon rin ng mutation ang virus na maaring magbanta sa kahusayan ng mga bakunang ibibigay sa tao. Ang ating maagap at mabilis na pagkilos ang kailangan ng bayan.
Ang unemployment rate sa bansa ay patuloy na tataas kung ang ating ekonomiya ay napoposasan ng banta ng pandemya. Maraming mga negosyo ang nagsasara kaya’t nagbabawas ng tao. Maraming mga proyekto ang hindi natutuloy kaya’t hindi na kailangan ng karagdagang manpower. Upang makalabas tayo sa kadilimang ito, kailangan nating maayos na maharap ang pandemya.
Kapanalig, ang unemployment rate ay hindi lamang statiska o numero na ating binibilang sa tuwing may problema tayo sa ating ekonomiya. Ang unemployment rate ay katumbas ng milyong milyong mga mangagawa na naghahanap ng pag-asa sa gitna ng pandemya ngayon. Katumbas ito ng mga milyong milyong pamilya na naghihintay sa mas magandang buhay. Isang taong puro gutom at takot ang kanilang nadama. Sila ang ubos na ang luha, kapanalig.
Sumainyo ang katotohanan.