29,315 total views
Umapela si Pontificio Collegio Filippino Rector Fr. Gregory Gaston sa bawat mananampalataya na ipanalangin ang paghuhubog at pagpapanibago ng mga pari upang patuloy na makapaglingkod sa kawan ng Panginoon.
Ito ang panawagan ng Pari kaugnay sa pagtatapos ng limang araw na International Conference for the Ongoing Formation of Priests sa Roma na dinaluhan ng may 800 lingkod ng Simbahan mula sa iba’t ibang bansa kabilang na ang may 50 pari at obispo mula sa Pilipinas.
“Ipagdasal niyo kaming mga kaparian na patuloy yung aming formation, patuloy yung aming paghuhubog, para sa ganung paraan ay patuloy kaming makapag-serve sa inyo. Patuloy kayong magdasal, patuloy kami dito kasi
international conference mga 800 nakalista sa conference galing sa buong mundo, mga 50 galing sa Philippines marami tayong mga kaparian at meron tayong mga Obispo na nandito din.” Bahagi ng mensahe ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Fr. Gaston, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng pamilya sa paghubog sa mga nagnanais na magsilbing lingkod ng Simbahan sapagkat sa pamilya nagsisimula ang maagang paghuhubog sa mabuting asal, pagdarasal, tiyaga, at katatagan.
Paliwanag ng Pari, ang pagpasok sa seminaryo ay maituturing lamang din na pinakamaikling formation ng isang magpapari sapagkat bago pa ito ay mas makabuluhan at pangmatagalan ang pagkahubog ng bawat isa mula sa pamilya, komunidad, paaralan at parokya na kanilang kinabibilangan kung saan mahuhubog na rin ang pakikipagkapwa tao ng isang indibidwal.
“Yung seminary ay ang shortest period of formation kasi bago pumasok sa Seminary may paghuhubog na lalo na sa pamilya, sana ay turuan ninyo ang inyong anak magdasal at maging mabait, ng values, maging masipag mag-aral dapat masipag mag-aral kas inga mahaba-haba yung pag-aaralan and then sana ay nagrerespeto sa mga nakakatanda, masipag, matulungin, sana ay maraming kaibigan dapat maraming kaibigan kasi kapag pumasok sa seminary later on kapag naging pari na dapat ay open na open sa mga ibang tao” Dagdag pa ni Fr. Gaston.
Ayon sa Pari, naaakma din ito sa mensahe ng Santo Papa Francisco sa mga delegado na “Ang sinabi niya dapat ay human, fully human tayo hindi lamang spiritual lahat tayo ay human, mga tao tayo… sabi ni Pope Francis maraming punto niya sinabi niya rin yung Pari kahit matanda na yung Pari dapat ay marunong makipaglaro, makipaglaro sa mga kabataan hindi naman pwedeng kapag tumanda na hindi na pala siya tao, hindi na marunong makipaghalubilo sa kapwa.”
Pinangunahan ng ilang mga opisyal ng Kalipunan ng mga Obispo sa Pilipinas ang 50-delegado ng Pilipinas na dumalo sa limang araw na pagtitipon na kinabibilangan nina Jaro, Iloilo Archbishop Jose Romeo Lazo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Clergy, Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona – member ng CBCP-Episcopal Commission on Clergy, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo – chairman ng CBCP-Office on Stewardship, Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth at Laoag Bishop Renato Mayugba – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Biblical Apostolate.
Nagsilbi namang isa sa tagapagsalita para sa ikatlong araw ng pagtitipon si Archbishop Lazo na tinalakay ang paksang ‘Having priests feel “at home”: the role of the Bishop and the diocesan community’.
Tema ng International Conference for the Ongoing Formation of Priests ang “Fan into a flame the gift of God that you possess” na isinagawa sa Auditorium Conciliazione, Paul VI Audience Hall sa St. Peter’s Basilica sa Roma mula noong ika-6 hanggang ika-10 ng Pebrero, 2024.
Pinangasiwaan ang pagtitipon ng Dicastery for the Clergy na pinamumunuan ni Cardinal Lazzaro You Heung-sik katuwang sina Cardinal Claudio Gugerotti, Prefect of the Dicastery for the Eastern Churches; at Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-Prefect of the Dicastery for Evangelization.