3,785 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Fr. Rufino Sescon, Jr. bilang ikalimang obispo ng Diocese of Balanga sa Bataan.
Kasalukuyang Kura Paroko at Rector ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church si Bishop-elect Sescon kung saan itinaon ang pag-anunsyo ngayong araw December 3 kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ni San Francisco Javier.
Si Bishop-elect Sescon ang hahalili kay Bishop Ruperto Santos na itinalagang obispo ng Diocese of Antipolo noong May 24, 2023.
Ipinanganak ang pari noong April 20 1972 at inordinahang pari ng Archdiocese of Manila noong September 19, 1998.
Bago pangasiwaan ang Quiapo Church, naging private secretary ni dating Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin, chancellor at administrator ng Villa San Miguel, chaplain ng Sto. Niño de Paz Chapel o Greenbelt Chapel mula taong 2005, Priest-in-charge ng Mary, Mother of Hope Chapel Landmark sa Makati City.
Ilan sa mga katungkulan ng pari sa arkidiyosesis ang commissioner ng Formation of the Laity and Christian Communities, director ng San Lorenzo Ruiz Lay Formation Center, at kasapi ng Presbyteral Council.
Ang Diocese of Balanga na sede vacante mula May 2023 ay pansamantalang pinangangasiwaan ni San Fernando Pampanga Archbishop Florentino Lavarias mula July 2023.
Ipapastol ni Bishop-elect Sescon ang mahigit kalahating milyong katoliko ng Bataan katuwang ang 34 na mga pari sa halos 40 mga parokya ng lalawigan.