276 total views
Dismayado ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa inilibas na listahan ng Department of National Defense (DND) na talaan ng mga church based group at maging mga international institution na sinasabing sumusuporta sa mga komunista.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, taliwas sa bintang ng defense department na ang mga grupong ito ay tumutulong hindi sa mga komunista kundi sa mga mamamayan ng bansa na nangangailangan.
“At kasama doon ang mga international groups na tumutulong daw sa mga komunista. Pero sa totoo kung titingnan natin ang mga grupong ito ay hindi tumutulong sa mga komunista kundi tumutulong sa mga taong nangangailangan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Iginiit ng Obispo na ang pagtulong ay hindi lamang ‘dole out’ kundi kabilang na dito ang pag-oorganisa at pagiging katuwang ng mga manggagawa, katutubo at pamayanan para magturo at magbigay ng kaalaman na manindigan sa kanilang mga karapatan.
Ilan sa kabilang sa red tag list ang Social Action Center ng Kalibo, National Council of Churches in the Philippines o samahan ng mga simbahan ng mga protestante; ang Caritas Australia; Caritas Austria; Caritas Belgium; Caritas Switzerland; Save the Children Foundation; Bread for the World, Oxfam at Church of Sweden Mission. “Yang (SAC Kalibo) ay tumutulong sa mga magsasaka, sa mga tinamaan ng bagyong Yolanda,” giit pa ni Bishop Pabillo.
Tinukoy din ni Bishop Pabillo ang mga ipinasarang Lumad schools sa Mindanao na hindi naman naabot ng Department of Education para sa edukasyon ng mga katutubo.
Oktubre ng kasalukuyang taon, umaabot sa 55 Lumad schools sa Davao ang ipinasara ng gobyerno dahil sa red tagging kung saan sinasabing dito isinasagawa ang indoctrination ng mga komunistang grupo.