327 total views
Ang red-tagging at pag-aakusa ng walang batayan sa mga organizers ng community pantries sa bansa ay maituturing na gawa ni Satanas.
Ito ang binigyang diin ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa red-tagging at profilling laban sa nagsasagawa ng mga community pantries sa bansa ngayong panahon ng pandemya na may batayang biblikal sa ginawang pagpapakain ni Hesus sa mahigit 5,000 indibidwal sa disyerto.
“Sa totoo lang palagay ko lang ito, yan [red-tagging sa mga community pantry organizers] ang gawa ni Satanas, yan ang gawa ni Satanas sapagkat alam mo yang community pantry na yan mayroon ng biblical roots yan talaga, ang unang biblical roots niyan alam mo yung feeding of the 5,000 [in the desert]” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, gawain ni Satanas o ng demonyo na sirain at pigilan ang gawang mabuti ng Panginoon tulad ng mabuting layunin ng community pantry na nagsilbing inspirasyon upang magkaroon ng halos 350 iba pang mga community pantries. Dinabi ni Bishop Bacani na ang ipinapamalas ng mga Filipino na bayanihan at pagtutulungan ay ang nais ng Panginoon na makitang tugon mula sa sambayanang Kristiyano sa oras ng pangangailangan at kagipitan.
“Si Satanas ang gagawin niya sisirain niya yan, akalain mo naka-350 hindi ko naman sasabihin na copies o imitation but mga nainspire na dito [sa community pantry] at yung balita ko pati daw sa Timor Leste ibang bansa na yan umabot na. Gusto ng Panginoon ipakita na sa oras ng pangangailangan ang mga Kristiyano na rin ang magtutulungan at syempre nais ng demonyo na sirain yan at takutin pati na yung mga nagpapalaganap ng tamang ideya ng pamumuhay bilang isang sambayanang Kristiyano.” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Ibinahagi ng Obispo na ang ipinapamalas na pagtutulungan at pagkakaisa ng mga simpleng mamamayan para sa lahat ng mga nangangailangan ay isang magandang pagpapamalas ng Kristiyanismo na inihandog ng Panginoon sa mga Pilipino 500-taon na ang nakakalipas.
Partikular din kinilala ni Bishop Bacani ang mabuting inisyatibong sinimulan ni Ana Patricia Non na siyang organizer ng unang community pantry sa Maginhawa, Quezon City.
Ikinalugod din ng Obispo na malaman na nagtapos si Non sa Paco Catholic School na isa sa Katolikong paaralan na mariing nagtuturo ng kabutihang asal at mga turo ng Panginoon sa mga mag-aaral.
“Yan ang isa sa pinakamagandang handog ng Diyos sa mundo, dito sa Pilipinas pinakamagandang handog yan sa mundo at tamang-tama sa 500 years of Christianity itong mga ganito ang mga kitang-kita natin biyaya ng Diyos at alam mo pinagmamalaki ko din na itong si Ana Patricia Non graduate pala ng Paco Catholic School wow tuwang tuwa ako nung malaman ko yan sapagkat that is how a Christian and a Christian leader should act, mahiya naman ang mga nag-re-red-tagging sa mga community pantries.” ayon pa kay Bishop Bacani.
Binigyang diin naman ni Bishop Bacani ang patuloy na pagpapamalas ng disiplina ng bawat isa at pagsunod sa mga ipinatutupad ng mga safety health protocol upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng COVID-19 virus sa bansa.