546 total views
Ipinagpasalamat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang muling pagpapahintulot ng pamahalaan sa mga migrant worker na magtungo sa Saudi Arabia.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos – CBCP-ECMI Vice-Chairman, malaking tulong ang hakbang upang makabalik at makapagtrabaho sa Saudi Arabia ang mga Overseas Filipino Worker.
“That is a very inspiring news, a great help and immense relief to our OFWs. Let us be thankful for the valuable assistance and goodness of our DMW officials. They make things possible, working for well-being and welfare of migrant workers,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, hudyat ang nalalapit na redeployment ng mga OFW sa tiwala sa parehong panig ng Pilipinas at Kingdom of Saudi Arabia.
Ipinagdarasal ni Bishop Santos na magsilbi ring inspirasyon ang hakbang upang pag-ibayuhin ng mga OFW ang kanilang trabaho at higit pang ipakita ang mga mabubuting katangian ng mga Pilipino sa ibat-ibang bansa.
“Now, let this be our encouragement to work harder, with so much devotion and honesty, we are at cbcp ecmi pray and offer our Holy Masses for the safety, sound health and successes of our OFWs and their employers,” ayon pa sa mensahe ng Obispo.
Ang redeployment ng mga OFW sa Saudi Arabia na magsisimula sa November 07 2022 ay kinumpirma ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople matapos ang kaniyang pakikipagdiyalogo sa mga opisyal ng pamahalaan sa bansa.
November 2021 ng magsimula ang deployment ban ng mga OFW sa Saudi Arabia matapos ang reklamo ng mga OFW hinggil sa hindi tamang pagpapa-suweldo ng ilang employers sa Saudi Arabia.
Sa talaan ng Philippines Statistics Authority (PSA) noong 2020, umaabot sa 420-libong mga OFW ang nagtatrabaho sa nasabing bansa.