692 total views
Umapela ang Romblon Ecumenical Forum Against Mining (REFAM) sa mga lokal na opisyal ng lalawigan ng Romblon, lalo na sa bayan ng San Fernando upang tutulan ang pagmimina sa Sibuyan Island.
Sa pahayag ng REFAM, sinabi nito na dapat manindigan ang mga opisyal laban sa pagpasok ng industriya ng pagmimina sa kanilang mga kinasasakupan upang patunayan ang kanilang pagiging mabubuting katiwala ng sangnilikha at mga lingkod-bayan.
“Listen to your people. Choose life for ‘choosing life means making sacrifices and self-restraint’,” panawagan ng REFAM.
Pinangangambahang mapinsala ng Altai Philippines Mining Corporation ang mga iniingatang likas na yaman ng Sibuyan Island dahil sa pagnanais na magsagawa ng operasyon dito.
Ang isla ay kilalang mayaman sa ginto kaya maraming mining companies ang nagnanais na makapasok dito.
Kabilang naman sa mga lumagda sa panawagan ay sina Romblon Bishop Narciso Abellana; Romblon Diocesan Ecumenism and Inter-Religious Affairs Director Father Ethelbert Magbata; Living Laudato Si’ Philippines Executive Director Rodne Galicha; at iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang denominasyon.
Taong 2011 nang itatag ang REFAM ng mga pinuno mula sa iba’t ibang denominasyon at pananampalataya na naglalayong itaguyod ang kaligtasan ng mga likas na yaman at mamamayan ng Romblon laban sa epekto ng mga mapaminsalang proyekto tulad ng pagmimina.
Sang-ayon sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariin nitong tinututulan ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa paghihirap ng mamamayan.