455 total views
Umapela ang Church People Workers Solidarity sa nangungunang electric service provider sa National Capital at CALABARZON na ibigay na ipinangakong refund sa mga konsyumer.
Ito ang apela ni CWS-NCR Chairman Father Noel Gatchalian sa Manila Electric Company (MERALCO) kasunod ng panibagong pagtataas sa singil sa kuryente ngayong Pebrero.
Ayon sa Pari, hindi makatarungan ang panibagong taas presyo dahil narin sa kahirapan na nararanasan ng mga Pilipinong manggagawa kung saan nananatili sa 645-pesos pababa ang suweldo ng mga manggagawa na kalahati sa isinusulong na 1,200-pesos Family and National Living Wage nang Labor Groups.
Sinabi ng Pari na dapat munang i-refund ng Meralco ang sobrang singil sa mga consumer bago inaprubahan ang taas singil sa kuryente.
“Unang-una, hindi sapat ang kinikita ng mga manggagawa, nang karamihan, ang pinaglalaban ng mga manggagawa ay yung Living Wage na 1,200 kalahati lang ang tinatanggap ng mga manggagawa kaya hindi sapat ang pambayad sa lahat lalung-lalu na ngayon kung kailan pa naghihirap sa taas ng bilihin lalu-lalu na ang bigas yung commodity atsaka yung kuryente,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Gatchalian.
Paninindigan ng Pari, dapat igawad na sa lalong madaling panahon ng MERALCO ang Refund na aabot sa 19-billion pesos na labis na singil sa mga consumers sa mga nakalipas na buwan at taon.
Ito ay upang bahagyang maibsan ang mataas na presyo ng kuryente na sinabayan ng mabilis na inflation rate ng Pilipinas na lubha nang pinataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
“Hindi naakma sa kalagayan ng mga tao ngayon ang pagtataas, alam mo ang Meralco hindi ba mayroon silang dapat na gampanan, diba nangako sila na ibabalik nila kung ilang bilyon iyon dahil sa kanilang sobrang pagsingil, bakit nila itinataas? wala sa oras, hindi napapanahon at hindi makatao ang pagtataas ng mga pagsisingil ng kuryente,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Gatchalian.
Apela pa ng Pari sa pamahalaan na pakinggan naman ang hinaing ng taumbayan higit na ng mga mahihirap upang makita ang kanilang kalagayan na naghihirap dahil sa matataas na presyo ng singil.
Una ng isinulong ng Meralco ang pag-aaral sa paggagawad ng refund sa 19-billion pesos sa susunod na 36-buwan para sa mga konsyumer.
Ngayong February 2025, muling nag-anunsyo ang Meralco ng pagtaas sa singil sa kuryente na aabot sa Php0.28-centavos, nangangahulugan ito na kung ang isang bahay ay kumukunsumo ng 200-kwh kada buwan, magkakaroon ng karagdagang 57-pesos ang kanilang monthly bills.
Kaugnay nito, nakasaad naman sa katuruan ng simbahang katolika na dapat isipin ng pamahalaan at mga producers ang kapakanan ng nakakarami higit na ng mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan tuwing magtataas ng kahit anong presyo sa pagkain, serbisyo at iba pang pangunahing bilihin.